Inisyuhan ng Department of Energy (DOE) ng show cause order ang isang gasolinahan sa Pasig City matapos umano ang pananamantala nito sa pagpapataw ng presyo sa produktong petrolyo.
Ayon sa DOE, lumabag sa kanilang mandato ang naturang gasolinahan alinsunod sa inilabas nilang kautusan noong Marso 6, 2026, kaugnay pa rin ng nakaambang pagratsada ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa kaguluhan sa Middle East.
MAKI-BALITA: DOE, nagbabala laban sa mga mananamantala ng presyo ng produktong petrolyo!
“May mga report po sa atin, March 6 tsaka March 7, hindi sila sumunod sa mga utos na 'to. Kaya dapat magpaliwanag sila within 24 hours,” anang DOE nitong Lunes, Marso 9.
Dagdag pa nila, “The establishment failed to comply with the advisory dated March 6, 2026, issued by the Department of Energy in compliance with fuel pricing and loading policies.”
Ayon pa sa mga ulat, tinatayang mula ₱51.98 na presyo kada litro, ay tumalon ang kanilang bentahan sa halagang ₱79.93 o katumbas ng 54% na paghigit sa itinakdang kalakaran ng presyo ng produktong petrolyo.
Kaugnay nito, may 24 oras na ibinigay ang DOE sa pamunuan ng nasabing gasolinahan upang magpaliwanag sa nangyari umanong pananamantala sa mga motorista.
“Bibigyan po natin sila ng 24 oras para magpaliwanag,” saad ng DOE.