Nag-utos ang Department of Energy (DOE) sa mga oil company at gasoline station sa buong bansa na mahigpit na sundin ang umiiral na patakaran sa fuel pricing at mga regulasyon laban sa hoarding habang patuloy na mino-monitor ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis.
Sa inilabas na media release nitong Marso 7, 2026, sinabi ng DOE na may sapat na supply ng langis sa bansa at nagsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang katatagan ng domestic petroleum market.
Ayon sa ahensya, inilabas ang direktiba sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak ang maayos na bentahan at distribusyon ng mga produktong petrolyo at maiwasan ang hoarding, profiteering, at anumang hindi awtorisadong pagtaas ng presyo.
Ipinagbabawal din sa mga gasoline station ang pagpapatupad ng hindi naka-schedule o hindi awtorisadong price increase bukod sa mga itinakdang oil price adjustment.
Ayon sa DOE, mula Marso 6 hanggang Marso 9 ay hindi dapat lumagpas sa mga sumusunod na price range ang pump prices ng petrolyo:
• Gasoline (RON 97/100) – ₱53.70 hanggang ₱76.50 kada litro
• Gasoline (RON 95) – ₱50.00 hanggang ₱71.04 kada litro
• Gasoline (RON 91) – ₱49.00 hanggang ₱64.70 kada litro
• Diesel – ₱49.00 hanggang ₱66.59 kada litro
• Diesel Plus – ₱56.80 hanggang ₱74.81 kada litro
• Kerosene – ₱78.90 hanggang ₱99.89 kada litro
Ayon kay Sharon S. Garin, kalihim ng DOE, mahalagang panatilihin ang patas na presyo at sapat na suplay ng langis para sa publiko.
“We recognize that the industry operates under challenging global conditions, and we appreciate those who continue to act responsibly. At the same time, we will not allow any party to take advantage of the situation. Fair pricing and adequate supply are a commitment to every Filipino whose daily needs depend on it,” ani Garin.
Upang mas paigtingin ang pagpapatupad ng mga patakaran, humingi na rin ng tulong ang DOE sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para sa mas mahigpit na monitoring sa mga gasolinahan sa buong bansa.
Nagpapatuloy din ang on-site inspection ng mga field office ng DOE sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang tiyakin ang pagsunod ng mga establisimyento sa fuel pricing directives at tamang bentahan ng mga produktong petrolyo.
Paalala ng DOE na sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 at Presidential Decree No. 1865, ipinagbabawal ang hoarding at iba pang ilegal na gawain kaugnay ng bentahan ng petroleum products, at maaaring patawan ng kaukulang administratibo at kriminal na parusa ang mga lalabag dito.