Sinagot na ni Comedy Queen Ai Ai Delas Alas ang mga kumakalat na tsikang tila engaged na naman daw siya matapos ang hiwalayan nila ng mister na sil Gerald Sibayan.
Pinag-usapan kasi ang video na ibinahagi niya sa Facebook account niya noong Marso 3, 2026, kung saan tila nag-propose sa kaniya ang isang lalaki habang nagkakasiyahan naman ang mga tao sa paligid niya.
Makikitang lumuhod pa sa kaniya ang lalaki habang hawak ang ring box, at sa gilid ay may tarpaulin na mababasa ang "Will You Marry Me?"
Makikitang tinakpan naman ni Ai Ai ang kaniyang bibig dahil sa maluwag na pagkakangiti, at halatang kinikilig siya sa mga sandaling iyon. Vini-videohan naman ng mga kasama niya sa hapag-kainan ang moment.
Makikitang isinuot ng lalaki ang singsing sa daliri ni Ai Ai, at pagkatapos, ay humalik pa siya sa noo ng komedyana.
"Ang Tanging ina nyo… Mula nang ma byuda sa Tatlo nyang Papa... may nag Propose na naman??? Totoo Ba???" mababasa sa caption ng post.
Umani ito ng kritisismo mula sa mga netizen dahil tila "wala raw kadala-dala" si Ai Ai at pumatol na naman daw sa isang lalaking mas bata sa kaniya.
Isang lalaking basher pa nga ang sinita ni Ai Ai at ibinalandra ang screenshots ng pagkakakilanlan nito, gayundin ang masasakit na komentong natanggap niya mula sa kaniya.
"sobra naman ako pag salitaan ng @MiggsFun na ito sa instagram. di marunong rumespeto ng babae. paki bash nga ito pls. nakaka inis," anang Ai Ai.
Bagay na pinasinungalingan na mismo ni Ai Ai, batay sa ipinadala niyang video message kay Ogie Diaz, na inilahad naman sa Sunday episode ng "Ogie Diaz Showbiz Update," Marso 8, 2026.
Ayon kay Ai Ai, binigyan lamang ng malisya ng mga netizen ang nabanggit na video. Inamin ni Ai Ai na hindi niya fiance ang nabanggit na lalaki sa video, at noong oras lamang niya iyon nalaman pa nga ang pangalan.
Ang totoo daw niyan, sa katabi nilang table ay may nag-propose daw ng kasal, at bilang katuwaan lang, sinabi nilang gawin din sa komedyante ang kunwari ay wedding proposal.
Nagkatinginan daw sila ng aktres na si Ynez Veneracion na kasama niyang kumakain nang mga sandaling iyon, at tila nasabi raw ni Ai Ai na "nainggit" siya sa babaeng nakatanggap ng proposal.
Tinawag daw niya ang lalaking nag-propose sa girlfriend niyang foreigner, at sinabihan siyang kunwari, sa kaniya raw magpo-propose.
"Nakakatawa nga kayo eh, ang dami n'yong mapapait na salitang sinasabi sa akin, walanghiya, hindi ko nga alam pangalan ni Kuya eh, sa comment ko lang nakita na Alvin pala pangalan niya," talak ni Ai Ai sa bashers niya.
Dagdag pa ni Ai Ai, katuwaan lang ito dahil nais niyang makaranas na magkaroon ng isang wedding proposal ring na may malaking diamond.
Pakiusap ni Ai Ai sa mga netizen, "Please lang, huwag n'yo na 'kong husgahan ha? Huwag n'yo na akong... kung ano-anong sinasabi n'yo na wala akong kadala-dala, hello!" aniya pa.
Noong Nobyembre 2024, kinumpirma ni Ai Ai ang mga kumakalat na tsikang hiwalay na sila ni Gerald, sa panayam sa kaniya sa "Fast Talk with Boy Abunda."
Maki-Balita: Ai Ai Delas Alas, kinumpirma hiwalayan nila ni Gerald Sibayan
Maki-Balita: Ai Ai, hiniwalayan ni Gerald sa text: 'Di na siya masaya, gusto niya magkaanak!'
Matapos ang hiwalayan, wala pang update mula kay Ai Ai kung may nagpapatibok na ulit sa kaniyang puso.