Nag-alala ang mga netizen sa aktres na si Andrea Del Rosario matapos niyang ibahagi ang pinagdaanang minor surgery sa kaniyang kanang mata.
Sa kaniyang social media post noong Biyernes, Marso 7, makikitang naka-face mask ang aktres habang may malaking puting bendang nakatakip sa isa niyang mata.
Nakadikit ang ilang medical tapes sa bandage na tila bagong lagay matapos ang isinagawang procedure. Nakasuot din siya ng simpleng puting damit at tila kuha ang larawan sa loob ng isang klinika o ospital.
Nilagyan ni Andrea ng caption ang kanyang post na: *“Ouch!!! #minorsurgery #stye #cleanyourbrushes #notofakeLashes #fornow.”
Batay sa kaniyang mga hashtag, ipinahiwatig ng aktres na ang kaniyang kondisyon ay dulot ng stye, isang uri ng impeksiyon o pamamaga sa talukap ng mata.
Nagbigay rin siya ng paalala sa kaniyang mga tagasubaybay tungkol sa kahalagahan ng paglilinis ng mga makeup brushes at pag-iwas muna sa paggamit ng fake eyelashes.
Agad namang bumaha ng mensahe ng suporta at pag-aalala mula sa kaniyang mga tagahanga at kapwa artista sa comment section ng kaniyang post.
Marami ang nagpaabot ng pagbati para sa mabilis niyang paggaling at nagpayo na magpahinga muna habang nagpapagaling.
Gayunman, sa kanyang ibinahaging post, hindi naman nabanggit ni Andrea kung kailan eksaktong isinagawa ang procedure o kung gaano katagal ang kaniyang recovery.
Hindi rin sinabi ng aktres kung may balak siyang magsampa ng anumang reklamo kaugnay sa kaniyang kondisyon, dahil sa fake lashes.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang bagong update si Andrea sa kondisyon ng mata niya.