Nilinaw ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara na hindi kabilang ang mga klase sa public schools sa inaprubahang “four-day workweek” sa piling mga opisina ng pamahalaan sa bansa kamakailan.
Base sa kumpirmasyon ni Angara sa media noong Sabado, Marso 7, nananatiling limang araw ang pasok ng mga estudyante sa public schools.
Gayunpaman, binanggit rin ng kalihim na saklaw naman ng nasabing four-day workweek ang mga opisina ng DepEd.
Matatandaang unang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Biyernes, Marso 6, ang pansamantalang pagpapatupad ng four-day workweek sa mga piling tanggapan ng ehekutibo simula sa Lunes, Marso 9.
Tugon ito sa panawagang bawasan ang araw ng pagtatrabaho sa isang linggo upang makapagtipid ang mga mamamayan sa paggamit ng enerhiya, dala ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa Middle East.
MAKI-BALITA: 4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan
Sean Antonio/BALITA