March 08, 2026

Home BALITA National

VP Sara sa mga ahensya ng gobyerno: 'Kumilos na kayo!'

VP Sara sa mga ahensya ng gobyerno: 'Kumilos na kayo!'
Photo courtesy: File Photo

Nagbaba ng direktiba si Vice President Sara Duterte para sa mga ahensya ng gobyerno na kumilos na raw ang mga ito para bantayan ang pagtaas ng presyo ng langis at epekto nito sa marami bang bagay, dulot ng nagaganap na sigalot sa Middle East. 

Ayon sa inupload na video statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, Marso 7, 2026, sinabi niyang dapat din daw na mapaliwanagan ang taumbayan tungkol sa mga nakaambang pagtaas pa ng presyo ng langis, transportasyon, at pangunahing bilihin. 

“Sa mga ahensya ng gobyerno na may tungkuling dito, kumilos na kayo. Kailangan bantayan ang presyo ng langis at epekto nito sa pangunahing bilihin at transportasyon, magbigay ng maagang babala, at magbigay ng paliwanag para sa mga mamamayan,” pag-uutos niya. 

Ani VP Sara, dapat din daw na magpatupad ng mahigpit na hakbang ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbabantay sa hoarding at labi na pagtataas ng presyo sa mga bilihin, langis, at iba pa. 

“Ipatupad ang mahigpit na hakbang laban sa hoarding at labis na taas-presyo. Gawing regular ang inspeksyon at isarado ang mga lalabag na negosyante,” aniya. 

National

De Lima, binasag 'makikitid' na pananaw, pagtingin sa kababaihan

Dagdag pa niya, “Magbigay ng pansamantalang subsidiyo o price caps sa produktong pagkain at isaalang-alang ang targeted cash transfers sa low-income na pamilya. Magbigay ng advisory sa ‘fuel-efficient’ na distribution ng pagkain at insentibo sa pampublikong transportasyon.” 

Pagtitiyak ni VP Sara, makakahanap raw sila ng paraan upang mabawasan ang suliraning kinakaharap ng taumbayan sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagtangkilik sa mga “local products,” at pagbabawas sa paggastos at pagkonsumo ng enerhiya. 

“Makakahanap tayo ng paraan upang mapagaan ang ating pasanin sa pamamagitan ng pagtutulungan sa komunidad, pagtangkilik sa lokal na produkto, at pagiging maingat sa ating paggastos at paggamit ng enerhiya,” pangako niya. 

Anang bise presidente, dapat daw na umasa ang publiko sa aksyon ng gobyernong protektahan ang bawat pamilyang Pilipino at maging matiyak ang patas na na bentahan sa mga pamilihan. 

“Kasabay nito, asahan natin ang aksyon ng gobyerno na protektahan ang bawat pamilyang Pilipino at tiyakin ang patas at matatag na pamilihan,” saad niya. 

Pagpapatuloy pa niya, malalampasan daw ng mga Pilipino ang kasalukuyang suliraning ito, kagaya kung paano nila naitawid noon ang panahon ng pandemya. 

“Malalagpasan natin ang pagsubok na ito tulad ng nalagpasan natin ang pandemya,” ‘ika niya. 

“Higit sa lahat huwag tayo mag-isip na gumawa ng masama sa sarili man o sa ating kapwa tao. Mamuhay tayo ng marangal at may dignidad kahit tayo ay dumadaan sa kahirapan,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan

KAUGNAY NA BALITA: PBBM nakatakdang bumisita, manawagan ng kapayapaan sa UN ugnay sa sigalot sa Middle East!

Mc Vincent Mirabuna/Balita