March 08, 2026

Home BALITA Probinsya

Motorista at angkas niya, patay matapos araruhin ng dump truck!

Motorista at angkas niya, patay matapos araruhin ng dump truck!
Photo courtesy: Tanay MPS via GMA News

Duguang nakahandusay nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang motorista at angkas nito sa kahabaan ng Marilaque Highway sa Tanay, Rizal, matapos araruhin ng isang dump truck na umano’y nawalan ng preno. 

Batay sa panayam ng Tanay Municipal Police (MPS) Sa GMA Integrated News noong Biyernes, Marso 7, ang nasabing dump truck ay bumabiyahe  patungong Brgy. Sampaloc nang pumalya ang preno nito, na nagdulot upang sumalpok ito sa likurang bahagi ng isang motorsiklo at pagkadamay ng tatlo pang sasakyan. 

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, “dead on arrival” ang drayber at angkas ng nasabing motorsiklo nang isugod ang mga ito sa ospital. 

Habang ang mga drayber naman ng tatlo pang sasakyang nadamay ay sugatan. 

“Kaninang 2:30 [PM], may insidente tayo sa Sampaloc Road involved ang isang dump truck, dalawang motorsiklo at dalawang tricycle. Ayon sa ating imbestigasyon, naka-stop itong motorskilo doon sa stop light, kasi naka-red siya,” ani PLTCOL Arnel Tabaog sa panayam. 

Probinsya

CDO mayor, ipinag-utos pagbawas ng pagkonsumo sa kuryente, petrolyo bunsod ng tensyon sa Middle East

“May paparating din na dump truck kaso lang no’ng pitikan niya ‘yong preno, hindi na niya na-control kasi na-lose break na,” dagdag pa ng opisyal. 

Sinubukan pa raw umiwas ng truck sa nasabing motor ngunit nang lumiko ito, may iba pang mga sasakyang nakahinto sa traffic light. 

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ang naging insidente habang hinihintay ang desisyon ng mga biktima sa pagsampa ng kaso sa drayber ng dump truck. 

Sean Antonio/BALITA