Nagpahayag ng pagbati ang abogado na si Atty. Maggie Abraham‑Garduque para sa aktres na si Nadia Montenegro matapos aprubahan ng piskalya ang paghahain ng kaso laban sa respondent o nambintang sa kaniya, kaugnay ng umano’y insidente ng paggamit ng marijuana habang nasa Senado noong 2025.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Atty. Maggie na isang “maagang regalo” para kay Nadia bago ang pagdiriwang ng International Women’s Day sa Linggo, Marso 8, ang resolusyong inilabas ng Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng Office of the City Prosecutor sa Pasay City.
Batay sa resolusyon, inaprubahan ang paghahain ng impormasyon sa korte para sa kasong "unjust vexation" at paglabag sa Section 16(c) ng Republic Act No. 11313 o "Safe Spaces Act" laban sa respondent.
Ayon sa reklamo, naganap ang insidente noong Agosto 12, 2025 sa gusali ng Senado sa Pasay City, kung saan umano’y inakusahan si Nadia ng paggamit ng marijuana sa loob ng comfort room ng mga person with disability (PWD), dahil daw sa "unusual odor" na naamoy sa CR, matapos gumamit ng aktres ng nabanggit pasilidad.
Si Nadia ay Political Affairs Officer ni Sen. Robin Padilla nang mga sandaling iyon. Ipinakita ng aktres ang laman ng bag at bulsa sa security personnel, at ang tanging natagpuan dito ay vape.
Pinayuhan si Nadia na maghain muna ng leave of absence, subalit natuloy na ito sa pagbibitiw sa tungkulin, hindi raw dahil sa pagiging guilty, kundi para hindi na madamay pa ang opisina ni Sen. Padilla.
Ginawa rin niya ang pagre-resign para mapangalagaan ang sariling mental health, gayundin ng mga anak.
Maki-Balita: 'Ibang session na?' Senado, iniimbestigahan marijuana session ng staff ni Sen. Robin
Maki-Balita: Nadia Montenegro, pinag-leave of absence
"My decision to resign should not be misconstrued as an admission of guilt—it is not. Rather, it is a demonstration of my deep respect for the Senate and Senator Padilla's office, so that this issue does not cause further distraction or harm," aniya noon.
"To prevent this baseless issue from growing any further, I would rather remove myself from the spotlight and allow the Senate to focus on its important work," dagdag pa niya.
Gayunman, ayon sa pahayag ng kaniyang abogado, nakasaad sa resolusyon na alam ng respondent na hindi gumagamit ng marijuana si Nadia ngunit gumawa pa rin umano ng incident report.
Sinabi pa ng abogado na ang nasabing ulat ang naging batayan ng pagkalat ng umano’y maling balita laban sa kaniyang kliyente noong nakaraang taon, na nagdulot umano ng matinding pinsala hindi lamang sa aktres kundi pati sa kaniyang pamilya.
"This is a testament that albeit you are a woman, you can fight so that YOUR TRUTH can be heard. I know what you have gone through and I am very happy to be your lawyer so that this vindication will be given and finally be given to you," saad ni Atty. Maggie kay Nadia.
Photo courtesy: Atty. Maggie Abrahan-Garduque/FB
Photo courtesy: Atty. Maggie Abrahan-Garduque/FB
Sa resolusyon na may petsang Marso 2, 2026, inirekomenda ng piskalya na ihain sa korte ang kaso laban sa respondent matapos suriin ang mga ebidensya at pahayag na isinumite ng magkabilang panig.
Maki-Balita: Vape lang? Nadia Montenegro, itinangging gumagamit ng marijuana sa Senado
Ang desisyon ng piskalya ay nagbubukas ng susunod na yugto ng proseso kung saan didinig ang kaso sa korte.