Tila huminto ang buong mundo, anim na taon ang nakararaan dahil sa naging pagkalat ng coronavirus disease (Covid-19), na isang nakahahawang sakit dulot ng severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 o nakilala rin bilang novel coronavirus (nCoV), ay natagpuan sa China noong Disyembre 2019, bago ito tuluyang kumalat sa buong mundo.
Ang mabilis nitong paglaganap ay nagdulot upang magdeklara ng Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) ang WHO noong Enero 30, 2020, at opisyal itong ideklara bilang pandemya noong Marso 11, 2020.
Matatandaan din na noong mga panahong ito, tinagurian ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang nagkaroon ng pinakamahabang lockdown sa buong mundo sa layong makontrol ang patuloy na pagkalat ng virus sa bansa at mapagaan ang dagok nito sa socio-ekonomikong aspeto sa pamahalaan.
MAKI-BALITA: #BALITAnaw: Ang unang kumpirmadong COVID-19 case sa Pilipinas
Bagama’t Enero nang maitala ang pagpasok ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa, mula sa isang Chinese couple na dumayo sa Maynila upang magbakasyon, Marso 7, 2020 naman nang maitala ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang local transmission ng virus sa bansa.
Local Transmission
Base sa tala ng WHO, ang pinagmulan ng kauna-unahang local transmission ay isang 62-anyos na Pinoy na may mga mga kondisyong hypertension at diabetes mellitus type 2, na unang nakaranas ng ubong may plema noong Pebrero 25, 2020.
Ang nasabing pasyente ay nagtungo sa ospital para sa isang medical consultation noong Marso 1, 2020, kung saan, siya ay na-confine dahil sa findings na severe pneumonia.
Ayon pa sa case report ng Western Pacific Surveillance and Response, india rin ng pasyente ang pabalik-balik na lagnat, panghihina ng katawan, kawalan ng gana kumain, hirap sa paghinga, dysuria o masakit na pag-ihi, at loose bowel movement o LBM.
Bagama’t walang travel history ang pasyente, nagpositibo siya sa Covid-19 disease noong Marso 5, 2020, at dito ay opisyal itong kinilala bilang kauna-unahang kaso ng localized transmission sa bansa.
Sa araw din na iyon, na-admit ang 59-anyos na asawa ng pasyente sa kaparehang institusyon, dahil sa pagkakaroon ng influenza-like na mga sintomas katulad ng ubo at panghihina ng katawan.
Dahil sa close proximity o pagiging close contact nito sa asawa, unang lumabas ang sintomas nito noong Marso 1, 2020.
Dito ay kinilala ang asawa bilang pangalawang kaso ng localized transmission sa bansa.
Sean Antonio/BALITA