Inihayag sa publiko ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela ang pagkaalarma niya sa umano’y mga sensistibong impormasyon na ipinadala at nakarating sa China.
Ayon sa naging panayam ng media kay Tarriela matapos ang naging pagpupulong ng National Security Council (NSC) nitong Biyernes, Marso 6, 2026, sinabi niyang kaugnay rin umano sa operasyon nila sa West Philippine Sea ang na-leak na impormasyong nakarating sa nasabing bansa.
“It is alarming dahil, basically, ang mga nailabas na information na ito, as what discussed by the NSC, is related with our all operation in the West Philippine Sea,” pagsisimula niya.
Ani Tarriela, kasalukuyan na raw silang nakikipag-ugnayan sa mga intelligence networks ng pamahalaan, partikular sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) para masolusyunan ang mga impormasyong umano’y nakarating sa China.
“We are currently coordinating with all the intelligence networks of the Philippine government. From the Armed Forces of the Philippines, PNP, National Bureau of Investigation to prevent this kind of leaked na mga sensitive information, na alam nga natin, na ipinapadala sa China,” aniya.
Pagpapatuloy niya, tila raw pinapatunayan ng insidenteng ito na gagawin ng lahat ng gobyerno ng China ang kanilang posibleng aksyon para maparupok ang pangnasyonal na seguridad ng bansa at mapahina ang posisyon ng Pilipinas sa WPS.
“I think this incident basically proved that the Chinese government is really doing all possible actions para ma-undermine ang ating national security and also to weaken our position, lalo na pagdating sa operation natin sa West Philippine Sea,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang embahada ng China sa Pilipinas tungkol dito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita