March 08, 2026

Home BALITA National

4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan

4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pansamantalang pagpapatupad ng pamahalaan ng four-day workweek para sa ilang mga piling opisina ng ehekutibo.

Kasunod ito ng mga panawagang bawasan ang araw ng pagtatrabaho sa isang linggo upang makatipid sa paggamit ng enerhiya, bunsod ng lumalalang sigalot sa mga bansang nasa Gitnang Silangan.

Sa isang pahayag na ibinahagi ni PBBM nitong Biyernes, Marso 6, ibinahagi rin niya ang ilang “exempted” sa nasabing workweek setup.

“Para naman sa bahagi ng pamahalaan, simula sa Lunes, ika-9 ng Marso, pansamantala nating ipapatupad ang four-day workweek sa ilang tanggapan ng ehekutibo,” saad ni PBBM.

Aniya, “Hindi kabilang dito ang mga nagbibigay ng emergency o pangunahing serbisyo gaya ng mga pulis, bumbero, at mga tanggapan na nagbibigay ng frontline services sa publiko.”

Sinabi rin ng Pangulo na ipinag-utos niya na ang pagbabawas sa paggamit ng petrolyo at kuryente.

“Bukod pa rito, inaatasan ko ang lahat ng ahensya ng ating pamahalaan na magtipid at magbawas ng sampu hanggang dalawampung porsyento sa konsumo ng kuryente at gastos sa petrolyo,” anang Pangulo.

“Pansamantala ring ipinagbabawal ang mga biyahe at aktibidad ng pamahalaan na hindi naman kinakailangan gaya ng study tour, team-building activities, o mga meeting na maaari namang gawin online,” dagdag pa niya.

Sa parehong pahayag, sinabi rin ni PBBM na nakahanda na ang bansa sa posibleng pagsipa ng presyo ng petrolyo bunga ng patuloy na girian ng Estados Unidos, Israel, at Iran sa Middle East.

Vincent Gutierrez/BALITA

National

De Lima, binasag 'makikitid' na pananaw, pagtingin sa kababaihan