Patay ang isang 12 taong gulang na binatilyo matapos siyang tamaan ng bato ng isa pang lalaking nakaalitan umano nila ng kaniyang kaibigan sa Misamis Oriental.
Ayon sa mga ulat, nagsimula ang tensyon sa pagitan ng kaibigan ng biktima na 17 taong gulang at 20-anyos na suspek matapos silang magpunta sa disco.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang kaibigan daw ng biktima ang puntirya sana ng suspek ngunit nadamay siya sa tinamaan ng batong inihagis sa kanila.
Nasapul sa noo ang biktima na ikinasawi niya habang sugatan at nakaligtas naman ang kaibigan niya. Nagawa pang madala ang biktima sa ospital ngunit hindi nagtagal ay binaiwan din siya ng buhay.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na mabilis na nasakote ng pulisya matapos siyang magtangkang magtago.
Nahaharap siya sa kasong homicide at serious physical injury.