Ligtas na naiuwi sa Pilipinas ang higit 200 Pinoy na naipit sa gitna ng patuloy na girian sa Middle East, noong umaga ng Miyerkules, Marso 4.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Dave Gomez, ang unang batch ng repatriated flight na ito ay binubuo ng 299 Pinoy na mula sa Dubai.
Kasama sa bilang na ito ay mga sanggol at bata, na lulan ng Emirates EK336, ay ligtas na nailapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nang 6:45 ng umaga noong Marso 4.
Ayon pa kay Gomez, ang nasabing flight ay nakaalis ng 9:55 ng gabi sa Dubai (Philippine time), kabilang pa ang Overseas Filipino Workers (OFWs), mga turista, at iba pang mga biyahero na pansamantalang nasuspinde sa kasagsagan ng tumataas na tensyon.
Base naman sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga unang batch ng repatriated na mga Pinoy ay kaagad binigyan ng tulong pagkalapag sa airport, tulad ng pagkain, pansamantalang accommodation, at transportasyon papunta sa kani-kanilang mga probinsya.
Tiniyak rin ng OWWA na katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakahanda silang magpaabot ng financial at reintegration assistance sa umuwing OFWs upang makatulong sa kanilang muling pagsisimula sa Pilipinas.
Para naman sa OFWs na nangangailangan pa ng tulong, binanggit ng OWWA na 24/7 bukas ang kanilang Hotline 1348, at maaari ding i-download ang kanilang “Kumusta Kabayan”’ app para sa agarang aksyon.
Sean Antonio/BALITA