Muling naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y pagiging sentro niya sa mga pahayag, privilege speech, at “fishing expidition” ng ilang mga indibidwal at grupo laban sa kaniya.
Ayon inupload na statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Huwebes, Marso 5, 2026, nagpaabot siya ng kaniyang paghanga sa tapang umano ng 18 na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine upang maglabas ng kanilang impormasyon tungkol daw sa male-maletang naglalaman ng bilyon-bilyong salapi mula sa kaban ng bayan.
“Hanga ako sa tapang ng mga naging security personnel ni dating Congressman Zaldy Co na naglakas-loob magsalita tungkol sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng bilyon-bilyong pisong pondo ng pamahalaan,” pagsisimula niya.
Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB).
Dagdag pa niya, “Ngunit habang ang mga paratang laban sa akin ay agad na ginawang sentro ng mga pagdinig, privilege speeches, at walang humpay na fishing expeditions sa ilalim ng mga imbestigasyong tinaguriang ‘in aid of legislation’ umano, tila nakakabingi ang katahimikan ngayon.”
Ani VP Sara, tila raw nakakabingi ang katahimikan ng mga civil society group, religious leaders, at mambabatas tungkol sa isinisiwalat ng 18 ex-marines.
“Sadyang nakakabingi ang katahimikan ng mga civil society groups na dati ay mabilis maglabas ng pahayag, ng mga religious leaders na handang manindigan sa usapin ng moralidad, at ng mga mambabatas na nagsasabing sila ay para sa transparency at accountability,” aniya.
Pagpapatuloy ng bise presidente, tila pa raw walang interes ang administrasyon na siyasatin ang tungkol sa umano’y bilyon-bilyong pinansuhol para sa maanomalyang flood control projects, ICC, at pagsusulong ng impeachment laban sa kaniya.
“Dagdag pa rito, tila walang interes o agarang hakbang mula sa kasalukuyang administrasyon na siyasatin ang katotohanan hinggil sa mga bilyon-bilyong suhol kaugnay ng flood control, ng ICC, at ng impeachment efforts laban sa akin,” diin niya.
Anang bise presidente, hindi raw dapat maging “selective” o mapili ang pagkagalit sa mga usapin ng katiwalian at mga indibidwal na dapat imbestigahan.
“Hindi dapat selective ang galit sa isyu ng katiwalian. Hindi maaaring pumili kung sino lamang ang iimbestigahan.At hindi maaaring manahimik tuwing ang mga sangkot ay malapit sa kapangyarihan,” ‘ika niya.
Buwelta ni VP Sara, hindi rin daw dapat ilagay ang kaban ng bayan sa mga maleta at ang katotohanan sa katahimikan.
“Ang pera ng bayan ay hindi dapat inilalagay sa maleta, at ang katotohanan ay hindi dapat inilalagay sa katahimikan,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umapelang 'wag tawaging 'bag man,' 'aide' niya si Madriaga!
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kay Madriaga: 'Di maaaring gamitin imbentong kwento para linlangin publiko!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita