Sugatan ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng isa pang lalaking live-in partner ng babaeng hinaharot umano ng biktima sa Rizal.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa Southville 9 sa Baras. Kinilala ang suspek sa alyas na “Nelson.”
Ayon sa pulisya, puwersahang pumasok ang suspek sa bahay ng biktima at ilang ulit itong sinaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagawa namang makatakas ng biktima mula sa suspek at agad na humingi ng tulong sa mga kalapit na residente, dahilan upang tumakas ang suspek na naglakad palayo sa lugar.
Agad na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima at kasalukuyan na itong nagpapagaling mula sa tinamong mga sugat.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na nagkaroon na umano ng naunang alitan ang biktima at ang suspek kaugnay sa paratang na may relasyon ang biktima sa kinakasama ng suspek.
Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.