Pinatutsadahan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang kampo ni Vice President Sara Duterte na tila kinakabahan na umano kay Ramil Madriaga.
Matatandaan kasing personal na nagtungo si VP Sara sa Office of the Prosecutor ng Taguig at nagsampo ito ng kasong perjury laban kay Madriaga noong Miyerkules, Marso 4, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, magsasampa ng kaso laban kay Ramil Madriaga!
Ayon naman sa naging pahayag ni De Lima sa kaniyang Facebook post noon ding Miyerkules, nagawa niyang buweltahan ang isinagawang aksyon ng bise presidente at sinabi niyang tila kinakabahan na raw ito kay Madriaga na malantad ang umano’y katotohanan sa paglustay niya ng milyon-milyong confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) noon.
“Mula sa ayaw sagutin na alegasyon, ngayon, sinampahan na nila ng kaso,” pagsisimula ni De Lima.
Diin niya, “Kaya mukhang kinakabahan na ang kampo ni VP Sara na malalantad na ni Madriaga ang katotohanan sa paglustay ng milyon-milyong confidential funds, tulad ng pagsiwalat nina Lascañas at Matobato sa mga EJKs sa Davao na ipinatupad rin ng nakaraang administrasyon sa buong bansa.”
Screenshot mula sa FB post ni De Lima.
Ani De Lima, “crucial” o mahalaga umano ang maaaring maging testimonya ni Madriaga sa bagong mga impeachment complaint na gumugulong sa Kongreso laban kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, nagsalita sa 'sufficiency in form and substance' ng impeachment complaints
“Na-impeach na noon si VP Sara. Ngayon, isa ang affidavit ni Madriaga sa mga dumagdag sa matibay nang ebidensya laban sa kanya. Nakikita natin na crucial ang magiging testimonya ni Madriaga para palakasin pa lalo ang kaso,” aniya.
Dahil dito, binigyang-halaga ni De Lima ang pangagailangang masigurado ang kaligtasan ni Madriaga at ibinahagi niyang may nagtangka daw sa buhay nito noon ding Miyerkules, mula sa impormasyon ng abogado nito.
“Madriaga should be even more protected now as a potential witness against VP Sara, especially if there are already acts of intimidation against him,” saad niya.
“Bukod sa kasong perjury, ayon sa abogado ni Madriaga, may nagtangka sa buhay nya kahapon kung saan sya nakakulong. Sino ang nagtatangka at gustong magpatahimik kay Madriaga?” kuwestiyon niya.
Pagpapatuloy ni De Lima, dapat daw na maging mapanuri ang publiko sa umano’y kakalat na kasinungalingan para daw malihis sa totoong usapin ang taumbayan.
“At dahil umusad na ang mga impeachment complaints sa pagdeklara sa mga ito ngayong araw na sufficient in substance, maging mapanuri at mulat tayo sa mga magkakalat na naman ng mga kasinungalingan para pagtakpan at ilihis tayo sa tunay na issue,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kay Madriaga: 'Di maaaring gamitin imbentong kwento para linlangin publiko!'
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umapelang 'wag tawaging 'bag man,' 'aide' niya si Madriaga!
Mc Vincent Mirabuna/Balita