Pinatutsadahan ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner at abogadong si Atty. Rowena Guanzon ang umano’y tingin ng administrasyon, na umano’y natatapalan ng pera ang lahat ng mga tao.
Ayon sa naging pahayag ni Guanzon sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Marso 4, 2026, mariin niyang tinangging natatapalan umano ng pera ang lahat ng mga tao at sinabi niyang tila nagiging manhid na raw ang administrasyon dahil dito.
“Manhid na ang administrasyon na [ito] dahil akala nila lahat ng tao natatapalan ng pera, HINDI!” mababasa sa simula ng kaniyang post.
Screenshot mula sa FB post ni Guanzon.
Ani Guanzon, tila nagbago na rin daw ang umano’y mga indibidwal na hindi niya pinangalanang tumatanggap ng lagay diumano sa administrasyon.
“[K]ahit [‘yong] mga tao na dati na nilang natapalan ng pera ay nagbabago din, either gusto na ng mas malaki pa dahil katulad din nilang ganid or nagsawa na din sa pinaggagawa nila maaring nakonsensya or di na kayang sikmurain ang lahat,” patutsada niya.
Pagpapatuloy ni Guanzon, dapat daw na mag-ingat ang publiko sa mga opurtunistang nakakaramdam na umano ng utay-utay na paglubog ng barko o ng pamahalaan.
“[P]ero ingat din tayo dahil [‘yong] iba ay oportunista dahil alam nilang papalubog na ang barko at kailangan sagipin ang kanilang mga sarili,” aniya.
“[T]imbangin natin ng maigi,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang mga tugon, reaksyon, o pahayag ang administrasyon mula sa Palasyo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kung pagtripan tayo ng Iran, durog mga Pilipino!'—Rowena Guanzon
KAUGNAY NA BALITA: 'Kanino kayo?' Rowena Guanzon, pinapili publiko kina VP Sara at Sen. Risa
Mc Vincent Mirabuna/Balita