Personal na pumunta at nagpaabot ng kaniyang buong suporta si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at dating National Security Adviser na si Gen. Hermogenes Esperon, Jr., para sa 18 na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine sa pagsisiwalat nito tungkol sa umano’y male-maletang naglalaman ng bilyon-bilyong pera na natanggap daw ng ilang mga opisyal ng pamahalaan noon.
Tumayo si Esperon bilang Chief of Staff ng AFP sa administrasyon noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at naging National Security Adviser naman sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang administrasyon.
Personal pang pumunta upang magpaabot ng kaniyang suporta para sa 18 ex-marines si Esperon sa isinagawang press briefing ng mga ito sa Pasig City nitong Huwebes, Marso 5, 2026.
Ani Esperon, buo umano ang kaniyang suporta sa 18 ex-marines at sa pangangailangang maimbestigahan ang tungkol sa mga isiniwalat ng mga ito sa kanilang affidavit.
“Yes. Full support ako sa kanilang pagsasabi at full support din ako sa kailangan na pag-imbestiga,” pagsisimula niya.
“Huwag nating hayaan na hanggang doon na lang ang complaint. Kailangang imbestigahan natin kasi napakaraming lead na ibinigay nila,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagtungo naman dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) nitong umaga ng Huwebes upang magsampa ng mga kasong perjury at cyberlibel laban sa 18 ex-marines, kina Atty. Levito “Levi” Baligod, dating mambabatas na si Mike Defensor, dating broadcaster na si Jay Sonza, at iba pa.
Bukod sa mga nabanggit, isa rin sa mga sasampahan umano ng kaso ni Trillanes sina dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy at vlogger na si Cathy Binag.
Naging ugat nito ang pagsisiwalat sa publiko ni Baligod sa isinagawa nilang press conference noong Pebrero 24, 2026, na tumanggap umano si Trillanes ng halagang humigit-kumulang ₱112 milyon o $2 milyon kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa pag-aasikaso ng pangangailangan ng International Criminal Court (ICC) investigators.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, kakasuhan 18 ex-marines, Baligod, Defensor, atbp!
KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod
KAUGNAY NA BALITA: 1 sa 18 ex-marines, nanindigang walang kinalaman sa kanila si Defensor
Mc Vincent Mirabuna/Balita