Patuloy na nananatili ang tradisyunal na pananaw ng karamihan ng mga Pilipino pagdating sa papel ng kababaihan sa pamilya, ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) noon Miyerkules, Marso 4, 2026.
Batay sa resulta ng Fourth Quarter 2025 SWS na isinagawa mula Nobyembre 24 hanggang 30, 2025, 83% ng mga respondent ang sumang-ayon sa pahayag na: “A man’s job is to earn money; a woman’s job is to look after home and family.”
Samantala, 8% ang hindi sumang-ayon at 9% ang hindi nakapagpasya, na nagbigay ng net agreement score na +75, na ikinategorya ng SWS bilang “extremely strong.” Mas mataas ito kumpara sa +69 na naitala noong Setyembre 2021.
Ipinakita rin sa survey na 81% ng mga Pilipino ang sumang-ayon sa pahayag na “Being a housewife is just as fulfilling as working for pay,” habang 11% ang hindi sumang-ayon at 7% ang hindi sigurado. Nagresulta ito sa net agreement score na +71, mas mataas kaysa sa naitalang +67 noon.
Bukod dito, 75% ng mga respondent ang pumabor sa pahayag na “a job is all right, but what most women really want is a home and children,” habang 14% ang tumutol at 10% ang hindi tiyak, na nagbigay ng net agreement score na +60, mas mataas kaysa sa dating +53.
Sa usapin naman ng mga nagtatrabahong ina, 71% ang sumang-ayon na “a working mother can establish just as warm and secure a relationship with her children as a mother who does not work.” May 18% na hindi sumang-ayon at 10% ang hindi nakapagpasya, na nagresulta sa net agreement score na +53, mula sa dating +48.
Samantala, 63% ang naniniwalang “a pre-school child is likely to suffer if his or her mother works,” habang 27% ang tumutol at 9% ang hindi tiyak, na nagbigay ng net agreement score na +37, mas mababa kaysa sa dating +54.
Lumabas din sa survey na 51% ng mga respondent ang sumang-ayon sa pahayag na “all in all, family life suffers when the woman has a full-time job,” habang 36% ang hindi sumang-ayon at 12 %ang hindi nakapagpasya. Nagresulta ito sa net agreement score na +16, na halos hindi nagbago mula sa naunang +21.
Isinagawa ang nationwide survey sa 1,200 respondent na may edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews, kung saan tig-300 ang kinuha mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.