March 07, 2026

Home BALITA National

VP Sara, magsasampa ng kaso laban kay Ramil Madriaga!

VP Sara, magsasampa ng kaso laban kay Ramil Madriaga!
Photo courtesy: File Photo, Ramil Madriaga

Personal na nagtungo si Vice President Sara Duterte sa Taguig upang magsampa ng kaso laban sa lumitaw at nagpakilala noong “bag man” at “aide” umano niya na si Ramil Madriaga. 

Ayon ito sa naging pagpunta ni VP Sara sa Office of the Prosecutor sa Taguig nitong umaga ng Miyerkules, Marso 4, 2026. 

Kasama ng bise presidente ang abogadong si Atty. Paolo Panelo, Jr., at nakatakda umano silang magsampa ng perjury complaint laban kay Madriaga. 

Samantala, hindi naman na nagbigay pa ng pahayag o karagdagang impormasyon ang bise presidente kaugnay sa pagsasampa nila ng kaso. 

Kaugnay nito, parte ang notarized affidavit na isinumite noon ni Madriaga sa Office of the Ombudsman bilang isa mga basehan ng mga gumugulong impeachment complaint ngayon sa House Committee on Justice laban kay VP Sara. 

National

4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan

Matatandaang mabilis na lumutang ang pangalan ni Madriaga noong Disyembre 11, 2025, kung saan naghain siya ng kaniyang sworn affidavit  kaugnay sa direktang pagtatrabaho niya umano noon kay VP Sara at sa mga umano’y mga katiwaliang kinasangkutan nito. 

Ani Madriaga, naatasan raw siya noong buuhin ang grupong Inday Sara Duterte Is My President (ISIP) para sumuporta sa kandidatura nito noong 2022 election. 

Isiniwalat rin ni Madriaga sa kaniyang sinumpaang salaysay ang milyon-milyong halaga at duffle bag na umano’y kaniyang dinala sa iba’t ibang lugar sa panahon ng kaniyang pagsisilbi sa bise presidente. 

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Madriaga at may mga bali-balitang lilitaw umano ito sa deliberasyon ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, binisita sa BJMP si Arnie Teves, 'di si Ramil Madriaga—SILG Remulla

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, itinanggi personal na relasyon kay Ramil Madriaga

Mc Vincent Mirabuna/Balita