Itinanggi sa publiko ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang tungkol sa kumalat na balitang inupakan at sinakal niya si Bulacan Governor Daniel Fernando.
Matatandaang naging sap-usapan ang social media post ng broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo ang isiniwalat nitong kuwento tungkol umano’y nangyaring insidente sa pagitan ng bunsong anak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ni Fernando.
Ani Tulfo, hinarass daw ng convoy ni Fernando ang bunsong anak nina PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos na si Vinni Marcos sa North Luzon Expressway (NLEX) noong gabi ng Pebrero 21, 2026.
Dahil dito, ipinatawag umano si Fernando ni Remulla sa Camp Crame, at nagkaroon umano ng pisikal na komprontasyon sa pagitan ng dalawa.
KAUGNAY NA BALITA: Pasabog ni Mon Tulfo sa isang 'drama:' 'Sinuntok ni Remulla si Fernando sa mukha. Bagsak!'
Ayon naman sa naging pahayag ni Remulla sa pagdalo niya sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Marso 4, 2026, sinabi niyang pinabulaanan na raw ni Fernando ang usaping ito at sumasang-ayon siya rito.
“Fernando already denied it happened and I will concur with him,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, tanungin na lang daw ng media at publiko si Tulfo dahil ito naman daw ang nagpakalat ng ganoong klaseng kuwento.
“You have to ask him [Ramon Tulfo]. Siya naman nagsabi noon, hindi ako. But we stand by what Daniel said,” aniya.
Dagdag pa niya, “Wala na ‘yon. I met Ramon maybe twice in my life, okay na ‘yon… si Tulfo. Siya ang nagkakalat, e.”
Pagpapatuloy ni Remulla, tapos at wala na raw talaga ang usaping iyon at pinagsabihan niya lang daw ito noon na huwag maghari-harian sa kalye dahil hindi niya rin naman daw ito ginawa noong gobernador pa siya sa Cavite.
“As long as Daniel said and I say na wala, wala talaga ‘yon. Tapos na ‘yun. Pinagsabihan ko lang, ‘huwag ka naman makahari kasi matagal akong naging governor, hindi ko naman hinaharang ang South super highway nang walang puwedeng mag-overtake.’ Siya, hinaharang niya talaga, e,” pagkukuwento niya.
Pagbabahagi pa niya, baka raw umabot sa 20 ang mga reklamong natanggap ni Fernando dahil sa panghaharang niya sa gitna ng kalye.
“Maybe he received 20 complaints tungkol sa ginagawa niyang panghaharang ng kalye. Stupidity is not a crime. So, sinabihan ko lang [si Fernando] na itigil mo na ‘yan,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: DILG Sec. Remulla, pinaimbestigahan ‘makaharing’ pagbiyahe ni Bulacan Gov. Fernando sa NLEX
Mc Vincent Mirabuna/Balita