Naglabas ng opisyal na pahayag si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kasunod ng desisyon ng House Committee on Justice na ideklarang sufficient in form and substance ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa kapatid niyang si Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Rep. Pulong na hindi na umano siya nagulat sa naging pasya ng komite, ngunit iginiit niyang ipinapakita nito kung paano umano ginagamit ng ilang puwersa sa Kongreso ang impeachment para sa layuning politikal.
"While this development does not come as a surprise, it clearly exposes how certain forces in Congress are willing to weaponize impeachment for political ends rather than uphold fairness and justice," aniya.
Maki-Balita: Impeachment complaints laban kay VP Sara, 'sufficient in substance!'—House Committee on Justice
Ayon sa mambabatas, sa halip na pairalin ang pagiging patas at katarungan, nagiging instrumento umano ang impeachment para sa pulitika.
Pinuri naman ni Duterte si Quezon City 4th District Rep. Jesus Manuel “Bong” Suntay, na nag-iisang bumoto laban sa pag-usad ng ikaapat na impeachment complaint.
Ayon kay Duterte, ipinakita umano ni Suntay ang tapang at integridad sa paninindigan kahit nag-iisa ito sa boto.
"I commend Rep. Bong Suntay for standing his ground and refusing to be intimidated or pressured into joining this political exercise. In a room where many chose convenience over conviction, he showed that courage and integrity in public service still exist—even if it means standing alone," aniya pa.
Samantala, nagbigay rin siya ng paalala sa 54 na mambabatas na bumoto pabor sa pag-usad ng mga reklamo.
Ayon sa kaniya, pansamantala lamang ang kapangyarihang politikal ngunit permanente ang pananagutan sa taumbayan.
"To the 54 others who voted in favor of pushing these complaints forward, remember this: political power is temporary, but accountability to the Filipino people is permanent. You may have the numbers today, but history has a way of judging those who abuse their authority," aniya.
Dagdag pa ng kongresista, habang itinutulak ang impeachment laban sa bise presidente, may iba pa umanong seryosong isyu na dapat ding bigyang-pansin.
Kabilang dito ang umano’y trilyong pisong anomalya sa flood control projects, ang mga paratang na may mga pondong ipinamamahagi umano sa loob ng mga maleta, at ang matagal nang panawagan para sa hair follicle drug tests para sa lahat ng miyembro ng Kongreso at Senado.
Iginiit din ni Duterte na darating ang panahong ang mismong mamamayang Pilipino ang umano'y huhusga sa mga naging aksyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Aniya, sa oras na dumating ang panahong iyon, dapat maging handa ang lahat na panagutan ang kanilang mga desisyon sa harap ng taumbayang kanilang kinakatawan.