Makikipagpulong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga lider ng Tau Gamma fraternity kaugnay ng umano’y insidente ng hazing na ikinasawi ng isang estudyante sa General Trias, Cavite.
Sa isang press briefing nitong Miyerkules, Marso 5, 2026, kinilala ni Remulla ang Tau Gamma bilang fraternity na sangkot sa insidente at iginiit na paiiralin nang mahigpit ang Anti-Hazing Law.
“We have anti-hazing law. So, we're gonna go after them full-time,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “Nung governor ako, may namatay rin sa Laguna na taga-Cavite pero Tau Gamma rin ang involved. So we have to talk to the leadership of Tau Gamma about this para matigil na.”
Ayon sa kalihim, na miyembro rin ng Upsilon Sigma Phi sa University of the Philippines, kapansin-pansin umanong nabawasan na ang hazing sa mga matatatag na university-based fraternities.
“At least in our end, I think I've been out in the fraternity for so long. Pero doon sa UP, halos wala nang initiations. It's in the barangays. Nagkakaroon ng mga chapters doon nang walang regulation talaga,” aniya.
Sinabi rin ni Remulla na balak niyang talakayin ang usapin kay Bong Joson Teves Jr. upang matugunan ang problema sa antas ng liderato.
Samantala, inihayag ng ama ng biktima na si Jun Alcedo na naghahanda na ang kanilang pamilya na magsampa ng kaso kaugnay ng pagkamatay ng kanyang anak na si Kenneth.
Iginiit ni Alcedo na hindi kusang-loob na sasali sa fraternity ang kanyang anak.
“Wala kaming kaalam-alam. Ako mismo, galit sa ganyang mga frat-frat. Sinabihan din ako ng anak ko na 'Pa, huwag ka mag-alala. Hindi ako sasali diyan.' Kaya, ako, hindi ako maniniwala na kusang-loob ng anak ko yun. Para sa akin, na-intimidate siya. Nasulsulan siya at saka tinakot,” aniya.
Tiwala naman umano siya na ginagawa ng pulisya ng General Trias ang kanilang tungkulin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.