Naglabas ng opisyal na pahayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte kasunod ng desisyon ng House Committee on Justice na ideklarang sapat sa porma at substansiya ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa bise presidente.
Sa pahayag na inilabas nitong Marso 4, sinabi ni Atty. Michael T. Poa, miyembro ng legal defense team ni Duterte, na kanilang natanggap ang impormasyon hinggil sa naging boto ng House of Representatives na nagsasabing sapat sa porma at substansiya ang dalawang impeachment complaints.
“We have been informed of the vote of the House of Representatives finding the 3rd and 4th impeachment complaints sufficient in form and substance,” ani Poa.
Ayon sa abogado, sa kasalukuyan ay maingat na susuriin ng legal team ng bise presidente ang mga naging hakbang ng Kamara at ng House justice committee, pati na rin ang mga rekord ng naging pagdinig.
Dagdag pa niya, pag-aaralan ng kampo ni Duterte ang mga aksyon na isinagawa ng Kamara at ng komite, gayundin ang mga dokumento at tala ng mga naging proseso sa pagtalakay ng mga reklamo.
Samantala, sinabi rin ni Poa na iiwas muna silang magbigay ng detalyadong pahayag sa media hinggil sa substansiya ng mga kaso habang isinasagawa ang kanilang pagsusuri.
Ipinaliwanag niya na nais ng kampo ng bise presidente na tugunan ang mga isyu sa pamamagitan ng wastong konstitusyonal na proseso.
“For now, we will refrain from discussing the substance of the case in the media and will instead address these matters through the proper constitutional processes,” saad ni Poa.
Nauna nang idineklara ng House Committee on Justice na sapat sa porma at substansiya ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay VP Sara, na magbubukas sa susunod na yugto ng proseso ng impeachment sa Kamara.
Maki-Balita: Impeachment complaints laban kay VP Sara, 'sufficient in substance!'—House Committee on Justice