Patay ang isang taong gulang na batang babae matapos mahulog mula sa pagkakahawak ng kaniyang ina habang sakay ng motorsiklo sa Talisay City, Cebu.
Ayon sa mga ulat, binabagtas ng pamilya ang kalsada sa Barangay Lagtang nang biglang sumemplang ang kanilang motorsiklo na minamaneho ng ama ng bata.
Dahil sa pagbagsak, nabitawan ng ina ang hawak niyang anak. Sa parehong pagkakataon, umandar ang katabing dump truck at nagulungan ang bata.
Agad na isinugod sa ospital ang bata ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Sumuko sa pulisya ang driver ng dump truck at ipinaliwanag na hindi niya napansin ang motorsiklo.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga magulang ng biktima.
Nakipag-areglo na umano ang driver at ang kumpanya ng truck sa pamilya ng nasawing bata. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.