Isang lone bettor mula sa Rizal ang naging instant multimilyonaryo matapos na mapanalunan ang tumataginting na ₱17.9-milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Lunes ng gabi, Marso 2.
Ayon sa PCSO, matagumpay na napanalunan ng lucky winner ang winning combination na 12-25-45-40-33-27 kaya’t napanalunan nito ang katumbas na jackpot prize na ₱17,977,214.41.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa San Mateo, Rizal.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang PCSO na mayroon lamang isang taon ang lotto winner, mula sa petsa ng pagbola dito, upang kubrahin ang napanalunang premyo sa PCSO main office sa Mandaluyong City.
Kinakailangan lamang anila nitong iprisinta ang kanyang dalawang balidong IDs sa pag-claim ng kanyang premyo, gayundin ang kanyang lucky ticket.
Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% buwis, alinsunod sa TRAIN Law.
Samantala, nanawagan naman si PCSO General Manager Mel Robles sa publiko na patuloy na suportahan ang kanilang mga gaming products upang mas marami pa silang mga kababayan nating matulungan.
Ang MegaLotto 6/45 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.