Nanawagan ng tigil-putukan at pagbalik sa pakikipagnegosasyon si Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa kasalukuyang nangyayaring sigalot sa pagitan ng mga bansang Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Ayon sa isinagawang press conference ni Hontiveros sa Senado nitong Lunes, Marso 2, 2026, inilahad niyang mahalaga umanong panawagan ang tigil-putukan ng mga nasabing bansa at pagkasunduan na lang umano ang mga isyung pinagmumulan ng kanilang sigalot.
“Urgent call, tigil putukan sa giyerang ‘yan, bumalik sa negosasyon, at pilit na pagkasunduan ‘yong mga isyu na sabi ay dahilan daw kung bakit nangyayari ito,” pagsisimula niya.
Ani Hontiveros, isa raw sa mga tinitingnang dahilan sa ugat ng giyera ng mga nasabing bansa ang pagkakaroon ng nuclear energy development program ng Iran.
“Just before the attack, ang isyu raw ay ‘yong nuclear energy development program ng Iran. Which by the way, last year, sinabi ng US government na obliterate na ‘yong capacity na iyon,” aniya.
Pahabol niya, “Biglang the day of an hour after the attacks started, naging regime change.”
Pagpapatuloy ng senador, mahalaga raw na itigil muna ang labanan at siguraduhin ang kaligtasan ng mga nanganganib na buhay ng mga sibilyan, kasama na ang mga Pilipinong naroon din sa pinangyayarihan ng sigalot.
“Pero kung anoman ‘yong totoo at ‘yong pagdadahilan ng mga issues, basta’t tigilan putukan muna. I-secure ‘yong kaligtasan ng dumadaming taong nanganganib. Pati ‘yong ating mga kababayang Pilipino,” saad niya.
“Bumalik sa negosasyon. Ibalik ‘yong rule ng international law,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang ang paglakas ng nuclear weapon ng bansang Iran ang isa sa mga pangunahing dahilan ng Estados Unidos at Israel sa pag-atake nila dito.
Noon lamang Sabado, Pebrero 28, 2026, pormal na inanunsyo ni US President Donald Trump ang major combat operation ng US military laban sa Iran.
Matapos nito, napaulat na napaslang sa naging pag-atake ng US-Israel ang supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei, pati na rin ang anak at apo nito ayon na rin sa pagkukumpirma ng Iran state media.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kung pagtripan tayo ng Iran, durog mga Pilipino!'—Rowena Guanzon
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
KAUGNAY NA BALITA: Trump, nagbabala sa Iran: 'Lay down your weapons or face certain deaths!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita