March 02, 2026

Home BALITA National

Ombudsman Remulla, kinumpirma pakikipagpulong sa ICC investigators noon

Ombudsman Remulla, kinumpirma pakikipagpulong sa ICC investigators noon
Photo courtesy: GMA News (X), File Photo

Nilinaw sa publiko ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagkaroon daw siya ng pakikipagpulong kay dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV at sa dalawang International Criminal Court (ICC) investigators noon. 

Ayon sa naging panayam ng GMA Integrated News kay Remulla nitong Lunes, Marso 2, 2026, sinabi niyang totoo raw na nakipag-usap siya kay Trillanes at ipinakilala nito sa kaniya ang dalawang ICC personnel dahil may usapan daw sila na kailangang protektahan ang mga Pilipinong testigo noong mga panahong kalihim pa siya ng Department of Justice (DOJ). 

“Totoo 'yon. Nakipag-usap ako kay Trillanes, pinakilala niya sa akin 'yong ICC—'yong dalawang personnel ng ICC,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Kasi nga mayroon kaming usapan na ang testigo, dapat maprotektahan. 'Yong testigo ng ICC… well in the DOJ, kinakailangang gawin namin ‘yon. Mga Pilipino kasi ang mga testigong ito, e.” 

Tila hindi na raw maalala ni Remulla ang eksaktong petsa kung kailan sila nagkita ngunit huli niyang nangyari ito noong nakaraang taon. 

National

Pang-asar kay VP Sara, DDS? Rep. De Lima, binuyangyang laman ng maleta, paper bag

“Hindi ko maalala. Maybe last less than a year ago. Parang ganoon,” pagbabalik-tanaw niya. 

Ani Remulla, may dahilan daw para protektahan ang mga Pilipinong tumestigo sa ICC dahil nakasalalay umano ang buhay nila. 

“Bakit? Bakit hindi? Ang nakasalalay dito, buhay ng mga testigo. Kailangang protektahan natin  ang tao hangga’t kaya natin,” aniya. 

Giit ni Remulla nang matanong ito tungkol sa usapang hindi tutulong ang administrasyon ng bansa sa ICC upang imbestigahan ang war on drug sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon. 

“Matagal na ‘yon. Nagbago na lahat, e. Alam naman natin,” diin niya. 

Paglilinaw naman ni Remulla sa tanong kung pinapatotohanan ba raw nito ang isiniwalat ng lumitaw na 18 na dating mga miyembro ng Philippine Marines, sinabi niyang may plano raw silang iparating kay Atty. Levito “Levi” Baligod na gumawa dapat ng 18 iba’t ibang mga personal na affidavit ang 18 ex-marines. 

“Hindi ko alam pero ‘yong mga sinasabi nga doon [sa affidavit ng 18 ex-marines], sinasabi ko, ang gagawin namin dito [ay] sasabihin namin kay Baligod na mag-produce siya ng 18 iba’t ibang mga affidavit,” saad niya. 

“Para alam natin kung ano talaga ang personal knowledge ng bawat isang tao. Para malinaw kung ano talaga ‘yun,” pahabol pa niya. 

Pagpapatuloy pa niya, tila raw kasi pinagtagpi-tagpi kuwento at nilagay lang sa isang affidavit ang testamento ng 18 ex-marines. 

“Kasi parang ano ‘yon e, parang pinagtagpi-tagping kuwento ng bawat isa na ginawang isang affidavit. Hindi dapat ganoon ang isang affidavit,” ‘ika niya. 

“Ang affidavit, you swear to the truth, the whole truth, and nothing but the truth, and of your own personal knowledge,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag sina Baligod at 18 ex-marines tungkol dito.

KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!

Mc Vincent Mirabuna/Balita