Tila nangangamba si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon sa posibilidad umano na atakihin ng bansang Iran ang Pilipinas.
Ayon sa naging pahayag ni Guanzon sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Marso 2, 2026, pinatutsadahan niya ang dami umano ng base-militar ng Estados Unidos sa bansa.
“Kung pagtripan tayo ng [Iran] sa dami ng military base ng mga amerikano sa bansa,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Guanzon.
Ani Guanzon, maaari umanong madurog ang mga Pilipino sakali mang magpadala ng missiles ang Iran dahil wala raw missile interceptors ang bansa.
“Magpadala sila ng missile sa buong bansa katulad ng ginawa nila sa middle east, wala tayong [missile] interceptors para pigilan ang mga [‘yon], durog ang mga Pilipino!” aniya.
Buwelta niya, wala rin umanong pambili ng missile interceptors ang pamahalaan dahil naibigay na raw sa mga korap na politiko at mga kasabwat nito na sila pa raw mauunang umalis kapag nagkagulo na habang maiiwang nagdarasal lang ang taumbayan.
“Wala rin tayong pambili dahil pinadala na ang [male-maleta] sa mga korap na pulitiko para manahimik sa korapsyon at iba pa nilang kasabwat na aalis agad with their family sakay ang private jet kapag nakagulo na,” diin niya.
“At tayo o ang karamihan [sa atin] ay dasal dasal [na lang] [ganoon] ba?” pagtatapos pa niya.
Matatandaang pormal na inanunsyo ni United States President Donald Trump noong Sabado, Pebrero 28, 2026, ang pagsisimula nila ng major combat operation kasama ang Israel laban sa Iran.
KAUGNAY NA BALITA: Trump, nagbabala sa Iran: 'Lay down your weapons or face certain deaths!'
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Mc Vincent Mirabuna/Balita