Kinumpirma ni Sen. Raffy Tulfo sa publiko na muli raw siyang tatakbo bilang senador sa susunod na eleksyon at hindi sa mas mataas na posisyon dahil mas masaya raw siya sa trabaho niya sa Senado.
Ayon sa isinagawang press conference ni Tulfo sa Senado nitong Lunes, Marso 2, 2026, ipinaliwanag niya ang dahilan sa hindi niya pagtanggap ng alok ng ilang mga pribadong sektor na tumakbo siya sa mas mataas na posisyon.
“Dito, mas marami akong nagagawa. Marami akong mas nakakausap na tao. Face-to-face nakakausap ko sila, nabibigyan ko ng solusyon ‘yong kanilang problema,” pagsisimula niya.
Paliwanag pa niya, “[Kapag] ikaw ay nandoon sa itaas, damned if you do, damned if you don’t, kung gumawa ka ng tama meron pa rin kokontra sa ‘yo na mali ka. Kapag hindi ka gumawa, sasabihing tamad ka at wala kang pakinabang.”
Ani Tulfo, “lowkey” lang daw niyang ginagawa ang kaniyang trabaho sa Senado at masaya raw siyang nakikita ang tugon ng mga natutulungan niya.
“Samantalang dito sa Senate, lowkey lang tayo at ginagawa lang natin ‘yong trabaho natin. Natutuwa naman ako dahil nakikita ko naman ‘yong response no’ng mga natutulungan natin… so I’m happy,” aniya.
‘’Yon ang target ko, mare-elect lang ako, happy na ako—happy na ako muli,” dagdag pa niya.
Giit ni Tulfo, “never” o hindi raw siya nilapitan nina Vice President Sara Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Pagpapatuloy niya, hindi na raw siya pupunta sa mas mataas na posisyon dahil hindi niya alam kung ano raw ang mangyayari doon at baka hindi niya umano maabot ang ekspektasyon ng mga nasa itaas.
“Like I said, I’m very happy dito sa Senado. Bakit pa ako pupunta sa isang sitwasyon na hindi ko sure kung anong mangyayari doon. Baka mamaya hindi ko ma-meet ‘yong expectations nila,” saad niya.
Hindi raw naman gusto ni Tulfo na magretiro siyang mahina, may sakit, o nasa kulungan dahil gusto raw niyang makapagbakasyon at maalagaan pa ang kaniyang mga apo.
“Ayaw ko naman na pag-retire ko ay uuga-uga ako, may sakit ako, nasa kulungan ako. I don’t want that to happen to me. Gusto ko pag-retire ko, malakas pa rin ako. Nakakapagbakasyon-bakasyon [at] maalagaan ko mga apo ko,” ‘ika niya.
“Definitely, I will run for reelection. ‘Yan, itaga ninyo sa bato. I will run for reelection for 2028 as senator,” pagtatapos at pagtitiyak pa niya.
MAKI-BALITA: 'Mahirap sa China, masyadong sensitive samantala sila aggressor!'—Sen. Raffy Tulfo
MAKI-BALITA: Ramon Tulfo, hanga kina Arroyo, Robredo, atbp. 'except' kay VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita