Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa pamahalaan para sa mas malinaw at mas maayos na plano hinggil sa kaligtasan ng mga Pilipinong direktang nararanasan ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Sen. Risa nitong Linggo, Marso 1, idiniin niya ang kahalagahan ng mabilis na repatriation process at mas maayos na contingency plan para sa mga Pinoy sa naturang rehiyon.
“Unang-una, dalangin natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Middle East. Inaasahan natin na ang DMW at DFA ay nananatiling naka-alerto at handang magbigay ng agarang tulong sa bawat Pilipinong nangangailangan ng proteksyon,” saad ni Sen. Risa sa kaniyang post.
Aniya, “Dapat tiyakin ng pamahalaan na malinaw at mabilis ang mekanismo para sa repatriation ng mga kababayan nating gustong umuwi, may sapat na pondo para sa kanila, at maayos ang koordinasyon ng bawat ahensya.”
“Kasabay nito, kailangan ding may malinaw na contingency plans, hindi lamang para sa ligtas na pag-uwi ng ating mga OFWs, kundi pati sa kanilang kabuhayan, at sa posibleng epekto ng krisis sa energy, oil, at gas supply ng ating bansa,” dagdag pa niya.
Tinawag niya rin ang atensyon ng Department of Energy (DOE) hinggil sa nasabing isyu.
“Nanawagan ako sa DOE na agad magpatupad ng mga short-term safeguards habang binubuo ang isang komprehensibo at pangmatagalang strategic plan. Kailangan nating matiyak ang katatagan ng ating energy security at protektahan ang mga industriya laban sa posibleng pagtaas ng presyo at kakulangan sa suplay,” aniya.
Paliwanag pa ng mambabatas, mas kailangan sa mga ganitong uri ng sitwasyon na magkaisa ang mga bansa upang wakasan ang aniya’y “senseless wars” na nagaganap.
“In these times, it is crucial that nations, especially middle powers, come together to condemn these senseless wars. I hope the United Nations takes decisive action to rein in further tensions and restore respect for international law,” anang mambabatas.
Giit pa niya, “Nobody wins in a war. Sa huli, ang pinakamabigat na epekto ng digmaan ay laging bumabagsak sa mga ordinaryong mamamayan. Nakababahala ang tila walang habas na pagpasok ng Trump at Netanyahu administrations sa gyera, at ang pag-atake ng Iran sa Gulf States.”
“This escalation clearly undermines international peace and security. Hindi lamang ang Middle East ang maaapektuhan, kundi ang buong mundo. Ang tanging makabuluhang direksyon ay de-escalation, diplomasya, at agarang pagbabalik sa mapayapang pag-uusap,” pagtatapos niya.
Nito ring Linggo, Marso 1, nagbigay naman ng mga paalala si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino sa Middle East upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sa nasabing lugar.
“Dahil sa kamakailang paglala ng tensyon at labanan sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, hinihikayat ang lahat ng Filipino na kasalukuyang naninirahan o naglalakbay sa rehiyong ito na manigurado sa pag-iingat at pagsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang inyong kaligtasan,” saad ni VP Sara.
MAKI-BALITA: VP Sara, nag-abiso sa mga Pinoy sa Middle East na mag-ingat sa sigalot ng US-Israel, Iran-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA