Nagpaabot ng mensahe ng pag-iingat ang Kapamilya star na si Paulo Avelino para sa mga Pilipinong nasa Middle East at mga kalapit na lugar.
Sa kaniyang social media post, ipinahayag ni Paulo ang kaniyang pag-aalala sa kalagayan ng mga Pilipino sa naturang rehiyon at hinikayat ang mga ito na manatiling maingat at alerto sa gitna ng umiiral na tensyon sa ilang bansa, partikular sa Israel at Iran, sa tulong ng United States of America.
“To all my fellow Filipinos in the Middle East and nearby areas, I hope you and your families are safe. Please stay alert, avoid risky areas, and follow local advisories," ani Paulo sa kaniyang X post.
"Keep in touch with the Philippine embassy if needed. Stay safe always.”
Photo courtesy: Screenshot from Paulo Avelino/X
Bago tuluyang matapos ang Pebrero, nagimbal ang buong mundo sa tensyong naganap sa pagitan ng mga bansa sa Middle East partikular sa Israel kasama ang United States of America, laban sa bansang Iran.
Pormal na inanunsyo sa publiko ni US President Donald Trump ang pagsisimula nila ng pag-atake sa Iran.
Nagawang isa-isahin ni Trump ang umano’y matagal na umanong mga pag-atake ng rehimen ng Iran sa kanilang mga militar, mamamayan ng US, at iba’t ibang mga bansang kakampi nila.
Ang Iran ay pinamumunuan ng kanilang supreme leader na si Ayatollah Ali Khamenei. Ayon sa mga ulat, dati nang nagsilbi si Khamenei bilang pangulo ng Iran mula 1981 hanggang 1989. Simula 1989, nanungkulan siya sa Iran bilang supreme leader sa loob ng 36 na taon.
Siya nga raw ang may hawak ng record na "longest-serving head of state in the Middle East" bago siya napaulat na napaslang nitong US-Israel strikes, kasama ang kaniyang anak, apo, at mga manugang.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Samantala, sa isang update ay sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na wala pang napaulat na Pilipinong nasaktan sa nabanggit na pag-atake.
Kaugnay na Balita: Wala pang Pinoy na nasasawi, nasasaktan sa sigalot sa Middle East—PBBM