March 01, 2026

Home BALITA Internasyonal

Mahigit 100 katao, patay sa umano’y pambobomba ng US-Israel sa 2 eskwelahan sa Iran

Mahigit 100 katao, patay sa umano’y pambobomba ng US-Israel sa 2 eskwelahan sa Iran
Photo courtesy: Abbas Zakeri/Mehr News Agency via AP

Nasawi ang hindi bababa sa 108 katao matapos ang umano’y isang malakas na pagsabog sa loob ng isang paaralan sa Iran.

Sinasabing naganap ang insidente kasabay ng sunod-sunod at malawakang air strike ng United States at Israel laban sa naturang bansa noong Sabado, Pebrero 28, 2026.

Tinawag naman ni Iranian President Masoud Pezeshkian ang insidente bilang isang “barbaric act” at “another black page in the record of countless crimes committed by the aggressors.”

Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang US at Israel hinggil sa umano’y pag-atake sa paaralan na matatagpuan malapit sa isang base ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), na isa sa mga target ng mga air strike.

Sa mga video na kuha ng mga saksi at na-verify ng ilang international news outlet, makikitang nagkakagulo at nagtitipon ang mga tao sa paligid ng paaralan matapos itong tamaan. Nakakalat sa lupa ang mga basag na salamin at gumuhong bahagi ng pader. Halos bumigay ang isang bahagi ng gusali habang makikitang umaakyat ang makapal na usok mula sa mga guho.

Internasyonal

Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks

Sa karagdagang mga kuha na inilabas ng Iranian media, makikita ang ilang backpack na tila may bahid ng dugo at hanay ng mga bangkay na nakalagay sa mga body bag.

Ayon pa sa Iranian Red Crescent, umabot na sa 201 katao ang nasawi sa buong bansa dulot ng mga pambobomba, habang 747 naman ang sugatan. 

Sinabi ng mga opisyal ng Red Cross at Red Crescent sa Geneva na agad silang nagpadala ng mga response team sa paaralan matapos ang insidente.

Samantala, kasunod ng malawakang pag-atake ng kanilang pwersang militar, inihauag Pangulong Donald Trump na napatay umano ang Supreme Leader ng Iran na si Ali Khamenei, kasama ang ilan sa matataas nitong kumander. 

Kalaunan ay kinumpirma ng Iranian state media ang pagkamatay ni Khamenei.

KAUGNAY NA BALITA: Kaanak ni Iranian supreme leader Ali Khamenei, nasawi sa airstrikes ng US, Israel