Muling iginiit ni Sen. Erwin Tulfo nitong Linggo, Marso 1, 2026 na wala siyang balak tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028 national elections, matapos maiugnay bilang posibleng running mate ni Naga City Mayor Leni Robredo.
“Wala po akong plano na tumakbo sa higher office dahil naramdaman ko na yung pressure, yung intriga nung tayo tumakbo nung senador. Kawawa po pati pamilya ko nadamay, mga anak ko na walang kinalaman so ayaw ko na pumasok sa ganun na madamay ang pamilya ko,” pahayag ni Tulfo sa panayam sa isang radio news program.
Inihayag ito ng senador nang tanungin siya tungkol sa umano’y motibo sa pag-uugnay sa kaniya sa mga alegasyong tumanggap ng suhol ang ilang high-profile na politiko mula sa kickback kaugnay ng maanomalyang flood control projects, na sinasabing inihatid sa mga maleta.
Ayon kay Tulfo, lumutang ang usapin ng posibleng pagtakbo niya bilang bise presidente matapos banggitin ng isang political analyst na ang tambalan umano nila ni Robredo ay maaaring tumalo kay Sara Duterte sa 2028 elections.
Nauna nang inanunsiyo ni Duterte na tatakbo siya bilang pangulo sa 2028 polls. Kinumpirma rin niyang may mga pag-uusap na ukol sa kaniyang magiging running mate, ngunit wala pa umanong pinal na desisyon ang naturang indibidwal.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Samantala, sinabi ni Robredo na hindi natalakay ang pulitika sa naging pagpupulong nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
“Hindi ’to pulitika, at saka ang layo pa ng election. Hindi pa nga ako nagwa-one year sa puwesto ko, di pa umiinit yung upuan ko, tapos pulitika na agad… Magtrabaho muna tayo," ani Robredo.
Si Robredo ay nagsilbing bise presidente mula 2016 hanggang 2022 at tumakbo sa pagkapangulo noong 2022 elections. Patuloy naman ang mga espekulasyon kaugnay ng mga posibleng tambalan para sa 2028 national elections.
KAUGNAY NA BALITA: 'Zero Chance!' Mayor Leni, nilinaw na 'di politika ipupunta sa Naga ni PBBM