Pinuga sa publiko ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na sumubok daw umapela si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na manomina sa magaganap pa lang na kudeta noong Mayo 11, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Lacson sa inupload niya sa kaniyang YouTube channel kaugnay sa panayam sa kaniya sa True FM nitong Biyernes, Mayo 22, sinabi niyang medyo nagkabulagaan daw sa naganap na kudeta noong Mayo 11 at nakompronta raw niya si Legarda.
“Kaya lang, with all this time, medyo nagkabulagaan. Kinomfont ko nga siya dahil noong lumapit sa aming upuan ni Tito Sen,” pagsisimula niya.
“Sabi ko, ‘Loren, nandyan ka na rin lang, tatanungin na kitang diretso. Totoo ba ‘yong sinabi ng mga kasamahan ko after the [coup d'état] na sinabi mo raw sa kaniya na, ‘I-nominate n’yo ako. I-nominate n’yo ako kasi ako dapat ‘yan. Mas marami akong botong makukuha kesa diyan.’ Referring to Senate President Alan Peter Cayetano,” kuwento pa niya.
Ani Lacson, si Sen. Lito Lapid daw ang unang nagsabi sa kaniya tungkol sa naging apela ni Legarda bago maganap ang kudeta.
“Ang unang nagsabi sa akin niyan, si Sen. Lapid. Kasi siya ‘yong nakatayo sa harapan ni Sen. Legarda noon. So noong nasa lunch kami right after the coup, si Sen. Lito sinabi sa akin, ‘Pare, merong nabanggit si Sen. Loren na i-nominate n’yo ako, i-nominate n’yo ako kasi ako dapat ‘yan,” pagbabahagi niya.
Pagpapatuloy ni Lacson, kasunod daw na nagkumpirma sa kaniya ng naturang impormasyon sina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Bam Aquino na mga kapuwa nakarinig ng naging apela ni Legarda.
“Ito naman [ay] kinomfirm ni Sen. Kiko, Sen. Bam, kasi nandoon din sila sa harap,” aniya.
Pagtitiyak ni Lacson, hindi naman daw tumanggi si Legarda sa kuwestiyon niya tungkol rito.
“When I confronted Sen. Loren, ang sabi niya sa akin, ‘That was ingest.’ I took it as a place value. ‘Yon ang kaniyang reply,” saad niya.
“Whether totoo ‘yon o hindi, I take her word for it,” pagtatapos pa ni Lacson.
Matatandaang naging matagumpay ang isinagawang kudeta ng ilang mga senador noong Mayo 11, 2026, matapos makakuha ng 13 na boto si Sen. Alan Peter Cayetano at palitan niya sa liderato si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
KAUGNAY NA BALITA: 'As Senate President, we’re simply here to do our job, however long or short that may be!'—SP Cayetano