March 01, 2026

Home BALITA Internasyonal

Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks

Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks
Photo courtesy: via AP News

Ilang may-ari ng tanker, malalaking kumpanya ng langis at mga trading house ang pansamantalang nagsuspinde ng pagpapadala ng crude oil, fuel at liquefied natural gas (LNG) sa pamamagitan ng Strait of Hormuz matapos ang pag-atake ng United States at Israel sa Iran.

“Our ships will stay put for several days,” ayon sa isang top executive ng isang malaking trading desk nitong Linggo, Marso 1, 2026 (araw sa Pilipinas).

Batay sa satellite images mula sa tanker trackers, makikitang nakaipon ang mga barko malapit sa malalaking pantalan gaya ng Fujairah sa United Arab Emirates at hindi gumagalaw patungong Hormuz.

Ayon sa isang opisyal ng EU naval mission na EUNAVFOR Aspides, may ilang sasakyang-dagat sa lugar ang nakatanggap ng VHF transmission mula sa Islamic Revolutionary Guard Corps na nagsasabing “no ship is allowed to pass the Strait of Hormuz.”

Bagama’t hindi pa tuluyang tumitigil ang trapiko ng mga barko sa Strait of Hormuz, sinabi ng shipbroker na Poten & Partners na mabilis na dumarami ang mga aberya sa paglalayag.

Internasyonal

'No direct threat!' AFP, tiniyak seguridad ng bansa sa kasagsagan ng gulo sa Middle East

Nagbabala naman ang tanker association na INTERTANKO na nagpaalala ang U.S. Navy laban sa paglalayag sa buong Gulf, Gulf of Oman, North Arabian Sea at Strait of Hormuz dahil hindi nito magagarantiya ang kaligtasan ng mga barko.

Naglabas din ng abiso ang shipping ministry ng Greece na iwasan ng mga sasakyang-dagat ang Persian Gulf, Gulf of Oman at Strait of Hormuz.

Tinatayang nasa 20% ng pandaigdigang suplay ng langis — kabilang ang mula sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Iraq, Kuwait at Iran — ang dumaraan sa Hormuz, kasama ang malaking volume ng LNG mula sa Qatar.

Ayon kay Laura Page ng consultancy na Kpler, 14 na LNG tanker ang nagpapakita ng senyales ng pagbagal, pag-U-turn o pagtigil sa loob o paligid ng Strait, at inaasahang madaragdagan pa ito na maaaring magdulot ng panganib sa LNG exports ng Qatar.

Inihayag din ng German container-shipping group na Hapag-Lloyd na suspendido ang lahat ng vessel transit nito sa Strait of Hormuz hanggang sa susunod na abiso, at maaaring magkaroon ng delay o rerouting sa mga pantalan sa Gulf.

Samantala, sinabi ng Denmark-based shipping giant na Maersk na nakikipag-ugnayan ito sa mga security partner hinggil sa operasyon sa Red Sea at Gulf of Aden, ngunit nananatiling bukas ang cargo acceptance nito sa Middle East.

Nagpahayag din ang French shipping group na CMA CGM na inatasan nito ang mga barko sa loob o patungong Gulf na humanap ng masisilungan matapos ang pag-atake ng US at Israel sa Iran.

Nananarili ang sigalot sa pagitan ng tropa ng Iran at US-Israel force matapos ang palitan ng kanilang pag-atake na nagsimula noong Sabado, Pebrero 28, 2026.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?