Maaaring maapektuhan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas pati na ang presensya ng puwersa ng United States sa mga base militar sa bansa kung magpapatuloy ang sigalot sa Gitnang Silangan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian nitong Linggo, Marso 1, 2026.
“Para sa akin, hindi maganda ang timing. Nung 2025, ang baba ng ating economic growth, 4.4%, so this first quarter lang tinutulak ng gobyerno pabilis yung government spending pero kung taas presyo ng langis, tatamaan naman yung ibang important bilihin tulad ng pahkain,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa isang radio news program.
Ayon sa Department of Energy, inaasahan ang panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo batay sa apat na araw na Mean of Platts Singapore (MOPS) trading.
Tinatayang magiging galaw sa presyo kada litro ang mga sumusunod:
Gasoline – mahigit-kumulang P1.10 na dagdag
Diesel – mahigit-kumulang P0.50 na dagdag
Kerosene – mahigit-kumulang P0.90 na dagdag
KAUGNAY NA BALITA: Presyo ng produktong petrolyo, sisipa pagpasok ng buwan ng Marso
Noong Sabado, Pebrero 28, naglunsad ng airstrike ang United States at Israel laban sa Iran, matapos akusahan ni Pangulong Donald Trump ang Iran na patuloy sa pagde-develop ng nuclear program nito.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Sinabi naman ni Gatchalian na sa ngayon ay wala pa siyang nakikitang senyales ng pagbaba o paghina ng remittances mula sa Middle East, ngunit patuloy ang monitoring at assessment upang mabantayan ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ng senador, dapat unahin ng pamahalaan ang interes ng Pilipinas bago makisangkot sa usapin ng ibang bansa, lalo na kaugnay ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
“Dapat bantayan ang sariling interest dahil tayo ay isang developing nation at importante na tuloy-tuloy ang pag unlad ng ating bansa, hindi tayo nasasali sa ganitong gulo dahil kung tayo ay masali napakahirap bumangon,” ani Gatchalian.
Ang EDCA sites ay mga itinalaga at aprubadong lokasyon sa loob ng umiiral na mga base militar ng Pilipinas kung saan maaaring mag-ikot, magtayo at mag-operate ng mga pasilidad ang tropang Amerikano sa ilalim ng kasunduang pinirmahan noong 2014.