Natukoy na ng mga awtoridad ang riding in tandem na mga suspek sa likod ng naganap na acid attack.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng Villarin Street sa Zone 8 pasado 11:00 ng gabi. Habang magkasakay sa motorsiklo ang isang lalaki at babae, bigla umano silang binuhusan ng muriatic acid ng mga suspek.
KAUGNAY NA BALITA: Rider at angkas niya, binuhusan ng asido ng riding in tandem habang nagmamaneho
Nagtamo ng paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima dahil sa biglaang pag-atake gamit ang kemikal.
Sa imbestigasyon, napag-alamang naghintay umano ang mga suspek sa labas ng ospital kung saan nagtatrabaho ang mga biktima.
Makikita rin sa video na sinundan ng mga suspek ang dalawa matapos umalis sa kanilang pinagtatrabahuhan noong gabing iyon.
Kinumpirma ni Police Captain Emilita Simon na malinaw sa ebidensya na sinadya at planado ang pag-target sa mga biktima.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mga biktima at ilang indibidwal bago ang insidente.Bunsod nito, inimbitahan ng mga awtoridad ang mga biktima upang linawin ang posibleng motibo sa likod ng pag-atake.
Sinisiyasat din kung may direktang kaugnayan ang naunang alitan sa isinagawang acid attack.
Patuloy ang follow-up operations ng Cagayan de Oro City Police Office upang madakip ang mga natukoy na suspek.
Hinimok ng pulisya ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ang anumang kahalintulad na insidente at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa social media.
Ayon sa mga opisyal, itinuturing nilang isolated case ang naturang pag-atake at hindi bahagi ng umiiral na pattern ng krimen sa lungsod.