Usap-usapan ang social media post ng broadcaster na si Ramon "Mon" Tulfo matapos ikuwento ang ang umano’y insidente sa pagitan ng bunsong anak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ni Bulacan Governor Daniel Fernando.
Ayon kay Tulfo, maituturing pa raw na talagang mabait ang Pangulo matapos daw na patawarin si Fernando kaugnay ng sinasabing umano'y pangha-harass ng convoy ng gobernador sa bunsong anak nina PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos na si Vinni Marcos sa North Luzon Expressway (NLEX) noong gabi ng Pebrero 21, 2026.
Iginiit ni Tulfo na ayaw umanong ipabunyag ng First Couple ang naturang pangyayari, at nagkaroon umano ng “news blackout.”
"Talagang mabait si Pangulong BBM," aniya.
"Pinatawad niya si Bulacan Gov. Daniel Fernando sa ginawa niya at ng kanyang bodyguards kay Vinni Marcos."
"Kung sa aking anak ginawa ay may paglalagyan si Fernando."
"Ayaw pa nga ni BBM at FL Liza Marcos na ibunyag ang pang-aapi ni Fernando sa kanilang bunsong anak."
"News blackout," aniya pa.
Sa kaniyang salaysay, minamaneho umano ni Vinni ang isang Toyota Land Cruiser nang mag-overtake ito sa convoy ni Fernando.
Hinabol at hinarang umano ang sasakyan, at may ilang armadong kalalakihan ang bumaba mula sa convoy. Pinayuhan umano si Vinni ng isang kaibigan sa telepono na huwag lumabas ng sasakyan at kunan ng plaka ang mga sasakyang humarang sa kaniya.
Dagdag pa ni Tulfo, kinuha umano ng mga bodyguard ni Fernando ang lisensiya ni Vinni ngunit nagpulasan matapos makita ang pangalan nito. Iniulat umano ni Vinni sa Land Transportation Office ang mga plaka, kung saan napag-alamang pag-aari ng convoy ng gobernador ang mga ito.
Sa hiwalay na alegasyon, sinabi ni Tulfo na ipinatawag umano si Fernando ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Camp Crame, at nagkaroon umano ng pisikal na komprontasyon sa pagitan ng dalawa.
"Pinatawag si Fernando ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa Camp Crame," mababasa sa post ni Tulfo.
"May office kasi ang DILG secretary sa loob ng Camp Crame."
"Sinuntok ni Remulla si Fernando sa mukha. Bagsak!"
"Sinuntok uli. Bagsak uli."
"Pagbangon uli ni Fernando, sinakal siya ni Remulla. Lumabas ang dila ng gobernador sa sakal."
"Inawat si Remulla ng kanyang mga bodyguards na pulis."
Saad pa ni Tulfo, nagmula raw ang detalyadong kuwentong ito sa kaniyang source na tinawag niyang "tweety bird."
"O, ayan, ang buong drama, ayon sa aking tweety bird," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshots from Ramon "Mon" Tulfo/FB
Matatandaang noong Pebrero 24, sinabi ni Remulla na paiimbestigahan aniya ang "makaharing" paggamit ni Fernando sa NLEX.
Nilinaw rin ni Remulla na ang imbestigasyon sa mga reklamong ito, ay hawak na ng LTO at Police Regional Office 3, kabilang ang umano’y insidente ng road rage sa kahabaan ng NLEX noong gabi ng Sabado, Pebrero 21, kung saan iniugnay ang isa sa mga anak ni PBBM.
Ayon sa ilang mga ulat, kumalat sa social media ang posts na nagsasabing hinarangan ng three-vehicle motorcade ang umano’y sasakyan ng isa sa mga anak ni PBBM, matapos itong mag-overtake sa mga sasakyan, na umano’y sumakop sa tatlong lanes sa NLEX.
Saad pa sa sa mga ulat, tinatayang 15 kalalakihan ang umano’y bumaba sa mga sasakyan na rehistrado sa munisipyo ng Bulacan, upang komprontahin ang convoy ng “presidential son.”
Ang pag-ugnay na ito sa isa sa mga “presidential son” ay pinabulananan naman ng Palasyo sa media, noong Linggo, Pebrero 22.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Remulla na sinuman ang kaugnay sa nasabing insidente, ang imbestigasyon ay patungkol din sa pag-ugali ni Fernando sa kalsada bilang isang gobernador.
Aniya pa, ang mga kasong ipapataw ay depende na sa magiging resulta ng imbestigasyon ng LTO at Police Regional Office 3.
Kaugnay na Balita: DILG Sec. Remulla, pinaimbestigahan ‘makaharing’ pagbiyahe ni Bulacan Gov. Fernando sa NLEX
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina Remulla at Fernando tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.