February 28, 2026

Home BALITA National

'Papanagutin ang dapat managot! INC, nanawagang tuldukan na ang malawakang katiwalian sa bansa

'Papanagutin ang dapat managot! INC, nanawagang tuldukan na ang malawakang katiwalian sa bansa
Photo courtesy: Screenshot from Sa Ganang Mamamayan (NET25)/FB

Muling nanawagan ang Iglesia Ni Cristo sa pamahalaan na wakasan na ang malawakang korupsyon sa bansa, sa pamamagitan ng paglantad sa buong katotohanan, pagpapanagot sa mga dapat managot, at pagpapairal ng katarungan.

Sa binasang pahayag ni INC spokesperson Bro, Edwil Zabala sa isang programang "Sa Ganang Mamamayan" ng NET25, iginiit niyang simula raw sa pagsasagawa ng "Transparency, Accountability, and Peace" rally ang INC noong Nobyembre 16 hanggang 17, 2025, patuloy raw silang naghihintay kung paano tutugunan ng pamahalaan ang malawak na katiwalian na naganap sa bansa.

"Mahigit tatlong buwan na ang lumipas subalit wala pa ring natatanaw ang mga mamamayan na kalutasan sa napakalaking pangungulimbat sa kaban ng bayan," anang Zabala.

"Sa halip na mga salarin ang hanapin at usigin, ay ang mga nagbibigay ng impormasyon at tumetestigo laban sa kanila ang kinakasuhan at ginigipit."

"Kung kaya't hanggang ngayon, ay hindi pa natutunton ang sinasabing mahigit na isang trilyong piso na inilaan sa mga flood control projects at iba pang pagawaing-bayan."

National

CICC, nagbabala sa mga mahilig mangutang!

"Sapagkat, ang hinahanap ng mga dapat na mag-imbestiga ay ang mga pangyayaring maaaring magamit para mailihis ng iba't ibang isyu ang problemang ito. Hinihintay ng mga Pilipino ang sinasabi ng Senate Blue Ribbon Committee Chairman na "We will go where the evidence leads us."

"Ngayong may mga lumalabas na pahayag mula sa mga sangkot, kabilang ang umano'y nagpadala ng male-maletang pera, at kamakailan lamang ay pinatunayan iyan ng mga dating sundalo na umaming sila ang naghatid ng mga ito. Bakit tila walang malinaw na hakbang upang palawakin pa at tapusin ang imbestigasyon."

"Anong ebidensya pa kaya ang hinihintay para seryosohing tuntunin ang mga mastermind sa katiwaliang ito. May mga pahayag din ang paglitaw ng mga dating sundalo na bahagi ng isang destabilization plot. Kung gayon ang paratang, hindi ba lalong dapat imbestigahan sapagkat ang destabilisasyon laban sa gobyerno ay isang seryosong usapin ukol sa pambansang seguridad."

"Bukod dito, ang malawakang bahagi ng inihayag ng mga dating sundalo ay tuwiran pa namang may kaugnayan sa naganap na paglimas sa salapi ng bayan."

"Matamang naghihintay pa rin ang sambayanan kasama ng milyon-milyong Pilipino sa buong mundo at maging ng mga international media, at iba pa na nagmamasid. Ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay patuloy na nakabantay," aniya pa.

Dagdag pa ng tagapagsalita, mali raw isiping nalilimutan na ng mga Pilipino ang isyung ito dahil ang pondong pinag-uusapan daw ay mula sa buwis at pawis ng mga mamamayan.

"Ang aming panawagan ay nananatiling malinaw: Ilantad ang buong katotohanan, papanagutin ang dapat managot, at pairalin ang katarungan, upang maibalik ang tiwala ng taumbayan at maitaguyod ang tunay at pangmatagalang kapayapaan at pagsulong ng Pilipinas," aniya pa.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol dito.