Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights na si Volker Turk kaugnay sa umano’y unti-unting tila pagiging normal ng paggamit ng dahas bilang paraan sa pagresolba ng mga alitan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang pahayag ay inilabas sa gitna ng patuloy na paglala ng mga krisis at sigalot sa iba’t ibang rehiyon, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Sa naging pahayag niya sa United Nations Human Rights Council, binigyang-diin ni Turk na halos nadoble ang bilang ng mga armadong tunggalian mula noong 2010.
Ayon sa kaniya, mula sa mga nakalipas na taon ay umabot na sa humigit-kumulang 60 ang aktibong armadong tunggalian sa buong mundo. Aniya pa, tila ang mundo raw ay tunay na nagiging mas mapanganib na lugar.
Tinukoy rin ni Turk ang tumitinding kompetisyon para sa kapangyarihan, na aniya’y isinasantabi ang karapatang pantao. Aniya, tila nag-uunahan ang "players" o ilang mga lider ng bansa para sa kontrol sa lupa, enerhiya at maging sa atensyon.
Binatikos din niya ang ilang lider na umano’y ginagamit ang kapangyarihan para sa pansariling interes at nananamantala sa iba. Aniya, nakapagtatakang hindi agarang kumikilos ang political leaders upang baligtarin ang mga negatibong trend na ito.
"We must not revert to violence as an organising principle," pagdidin ni Turk.
Sa halip, sinabi ni Turk na may mga lider pang umaatake sa mga institusyong itinayo upang protektahan ang pandaigdigang kaayusan, kabilang ang United Nations, ang International Court of Justice, ang International Criminal Court, at maging ang mismong Human Rights Council.
"The world cannot stand by as the edifice of international humanitarian and human rights law is dismantled before our eyes," aniya pa.
Ibinahagi rin niya na kung noon ay nagdudulot ng pandaigdigang pagkondena ang isang pag-atake sa ospital, ngayon ay may tinatayang 10 pag-atake kada araw laban sa mga pasilidad pangkalusugan.