Tila umiinit ang tensyon sa pagitan nina dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes at kasalukuyang tumatayong abogado ng lumitaw sa publiko na 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marines na si Atty. Levito “Levi” Baligod dahil sa usaping may kaugnayan sa International Criminal Court (ICC).
Nagsimula ito sa naging Facebook post ni Baligod noong Biyernes, Pebrero 27, 2026 kung saan kinuwestiyon niya naging pahayag ni Trillanes noong Huwebes, Pebrero 26, 2026, tungkol sa pagpapakita umano ng defense lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC ng mga larawan ng ICC investigators at mga tumestigo laban sa kanilang kliyente.
“Nag-release sila ng mga picture ng ICC investigator, pati ‘yong mga testigo. Nilagay nila sa peligro ‘yong buhay ng mga ito. Alam n’yo violation ‘yan ng Article 70 ‘yan ng Rome Statute,” mababasang sinabi umano ni Trillanes sa larawang inupload ni Baligod.
Buwelta ni Baligod sa dating senador, intindihin daw sana muna nito ang Article 70 ng Rome Statute dahil kuwestiyonable raw kung miyembro pa rin umano ng ICC ang Pilipinas.
“Naks! Intindihin mo muna sana ang Art. 70 na sinasabi mo, dahil ang tanong ay kung member State pa rin ba ang Pilipinas ng ICC para magamit mo yan. Pero matanong ko lang, bakit ikaw ang sumasagot para sa ICC? Close kayo?” mababasa sa caption ni Baligod.
Matapos nito, nagawa namang sagutin ni Trillanes si Baligod nitong Sabado, Pebrero 28, 2026, sa kaniyang social media accounts at direkta niya pa itong sinabihang isa raw mahinang klase ng abogado.
Depensa ni Trillanes, tatlong (3) beses na umanong nagdesisyon ang ICC na may hurisdiksyon pa rin ito sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ng dating Pangulo sa kasalukuyan kahit umalis na umano ang Pilipinas bilang miyembro ng Rome Statute noon.
“Mr. Baligod, para sa kaalaman mo na isang mahinang klaseng abogado, tatlong beses nang nagdesisyon ang ICC Pre-Trial Chamber na may jurisdiction ang ICC sa duterte case kahit hindi na tayo Member-State,” pagsisimula niya.
Diin ni Trillanes, malinaw raw na paglabag sa Article 70 ng Rome Statute ang paglalagay sa panganib ng buhay ng mga imbestigador at tumayong testigo sa isang imbestigasyong isinagawa ng ICC saan mang parte ng mundo.
“Ibig sabihin, lahat ng imbestigasyon ng ICC, kahit saang parte pa ng mundo, kapag hinadlangan yan o nilagay sa panganib ang mga testigo at ICC personnel, yan ay violation ng Article 70 ng Rome Statute,” paglilinaw niya.
“Maliwanag na ba, Mr. Baligod?” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang bagong inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Baligod kaugnay sa huling mga nasabi ni Trillanes.
KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!
Mc Vincent Mirabuna/Balita