Tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos pasukin at pagbabarilin ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay sa Sitio Mangga Bolong, Barangay Bolong, Zamboanga City noong Biyernes ng gabi, Pebrero 27, 2026.
Kinilala ng Zamboanga City Police Office ang mga biktima na sina Rodel Tarroza Espinosa, 44 taong gulang. kaniyang asawang si Jenny Enriquez Espinosa, 43-anyos; at kanilang 19-anyos na anak na si Jenrose Enriquez Espinosa, isang college student.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong 8:55 ng gabi nang biglang pumasok sa kanilang tahanan ang hindi pa nakikilalang mga suspek at nagpaputok ng baril sa malapitan.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Sa kabila ng madugong insidente, himalang nakaligtas ang isang dalawang buwang gulang na sanggol na nasa loob din ng bahay nang mangyari ang pamamaril. Ayon sa mga imbestigador, natagpuan ang sanggol na buhay at walang pinsala matapos masiguro ng mga rumespondeng awtoridad ang lugar.
Nakatanggap ng ulat ang pulisya bandang 9:10 ng gabi at agad rumesponde ang mga tauhan ng kapulisan. Pagdating sa pinangyarihan, natagpuan na nilang wala nang buhay ang tatlong biktima sa loob ng bahay.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng pitong basyo ng bala mula sa 5.56-caliber na baril at isang depormadong slug, na nagpapahiwatig ng paggamit ng high-powered firearm sa pag-atake.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at patuloy silang tinutugis ng mga awtoridad.
Nagsagawa na ng dragnet at hot pursuit operations ang pulisya katuwang ang Police Regional Office 9 at ang Western Mindanao Command sa mga karatig-lugar at posibleng dinaanan ng mga salarin.
Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng krimen, kabilang kung may kinalaman ito sa personal na alitan, paghihiganti, o iba pang anggulo ng krimen.
Nanawagan ang pulisya sa sinumang may impormasyon na makatutulong sa pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.