March 01, 2026

Home BALITA Metro

Ex-convict na nagsunog sa kabahayan sa Intramuros, balik-kulungan sa kasong arson

Ex-convict na nagsunog sa kabahayan sa Intramuros, balik-kulungan sa kasong arson

Sinampahan na ng kasong arson ang isang suspek na dating nakulong at may umano’y kasaysayan ng paggamit ng ilegal na droga, matapos ang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Intramuros noong Pebrero 25, 2026.

Ayon kay Barangay 655 Chairman Jhonny “Nonoy” Yacub, nakabatay ang pagsasampa ng kaso sa naging imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na nagsabing sinadya ang pagsunog.

“Hindi homicide. Ang sinampa ng Bureau of Fire ay arson, kasi talagang intentional ang nangyari,” ani Yacub.

Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay. Lumalabas sa paunang impormasyon na nagsimula ang insidente dahil sa selos.

Kinilala ang suspek sa alyas “Burnok,” na umano’y nagalit matapos iwan ng kaniyang asawa para sa ibang lalaki. 

Metro

Grupo ng mga menor de edad, nagsuntukan sa ibabaw ng pumapasadang jeep

Ayon sa mga saksi, dahil sa galit sa dating asawa at sa bago nitong karelasyon, sinunog umano ng suspek ang sarili niyang bahay gamit ang gasolina, na naging sanhi ng pagkalat ng apoy sa komunidad.

Na-inquest ang suspek noong Biyernes, Pebrero 27, ngunit may mga pangamba umano ang ilang opisyal sa naging takbo ng proseso.

“Na-inquest siya kaninang umaga. Pero nakita ko, kausap niya pa ang mga complainant, nagtatawanan pa sila, parang walang nangyari” saad ng chairman.

Dagdag pa niya, matagal na umanong may mga naunang kaso ang suspek at nasangkot din sa ilegal na droga.

“Paulit-ulit na ’yan. Nakukulong na talaga, may illegal drugs din na involved,” ani Yacub.

Samantala, nananatili pa rin malapit sa lugar ng sunog ang dating asawa at mga anak ng suspek at pansamantalang nanunuluyan sa mga makeshift tent sa loob ng apektadong lugar. 

Dahil sa nananatiling tensyon, pinag-iisipan ng mga opisyal na ilipat muna sila upang maiwasan ang posibleng gulo.

Patuloy namang nanunuluyan sa mga evacuation center ang mga apektadong residente, kabilang ang Dalpan Sports Complex at mga nakasarang lugar malapit sa San Agustin Church.

Ilang ahensya ng pamahalaan at pribadong kumpanya ang nagpaabot na rin ng tulong sa mga biktima upang makabangon mula sa trahedya. Patuloy ang pag-usad ng kaso laban sa suspek.