Nananawagan ng tulong pinansyal ang pamilya ng beteranang aktres na si Odette Khan matapos itong ma-confine at manatiling bedridden sa National Kidney and Transplant Institute simula pa noong Sabado, Pebrero 21.
Ayon sa inilabas na pahayag ng kaniyang anak, na nasa Facebook page ng pelikulang "Bar Boys," kasalukuyang ginagamot si Khan dahil sa pneumonia, emphysema at edema.
Noong Lunes, kinailangan ding tanggalan ng fluid ang kaniyang kanang baga bilang bahagi ng patuloy na medikal na proseso. Patuloy pa rin umano ang kaniyang gamutan at masusing pagbabantay ng mga doktor.
Sa pinakahuling tala nitong Pebrero 27, umabot na sa higit ₱211,000 ang hospital bill ni Khan. Hindi pa kabilang dito ang professional fees ng mga doktor, bayad sa mga reader, caregiving expenses, at iba pang gastusin sa gamot.
Dahil dito, aminado ang pamilya na unti-unti nang nauubos ang kanilang pondo para sa pagpapagamot ng aktres.
"We are running out of funds. I am appealing to your kind hearts, as Mommy Odette’s child. She has served the film and television community with all her heart for over five decades. If she has touched you in any way during these years and you are capable and willing to donate, we would really appreciate it. Taos-pusong pasasalamat po in advance sa mga tutulong kay Mommy Odette," saad ng anak ni Odette na si Claudette Avelino-Tandoc.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang pamilya sa mga patuloy na nagdarasal at nagbibigay-suporta sa aktres. Kalakip sa kanilang apela ang mga detalye ng donation links at bank account numbers para sa mga nais magpaabot ng tulong.
"God bless you back in multiple ways. Links and numbers donations are attached," anang anak ni Odette.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa pamilya sa pamamagitan ng inilakip na mga detalye para sa mga donasyon.
Si Odette Khan ay kilala sa kaniyang epektibong pagganap sa entablado, pelikula at telebisyon, at naging bahagi ng maraming makabuluhang produksyon sa loob ng mahigit limampung taon sa industriya.
Kamakailan lamang, nagwaging Best Supporting Actress si Odette sa pelikulang "Bar Boys" na isa sa mga opisyal na lahok sa 2025 Metro Manila Film Festival, dahil sa mahusay niyang pagganap bilang si "Justice Hernandez."