February 28, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: May batas ba ang Pilipinas laban sa bullying?

ALAMIN: May batas ba ang Pilipinas laban sa bullying?
Photo courtesy: Unsplash

Sa ilalim ng Kaagapay Program, mas pinalawig ng Department of Education (DepEd) ang school-based mental health at anti-bullying support sa mga paaralan upang protektahan ang mga mag-aaral.

Base sa pahayag ng DepEd noong Enero 12, sa ilalim ng kanilang Memorandum No. 002, s. 2026, ang mga magulang, guardians, at caregivers ay magsisilbing katuwang ng mga guro sa pagpapatibay ng values formation, positive discipline, at learner wellbeing sa kanilang mga tahanan, bilang suporta sa pagtuturo sa silid-aralan at iba pang school-based guidance program. 

Sa pamamagitan din ng Kaagapay program, layon ng DepEd na patatagin ang proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng kanilang classroom. 

Habang layon ding ipaintindi sa mga magulang ang behavior, socio-emotional na pangangailangan ng kanilang mga anak, maging ang mga paunang senyales ng bullying sa mga ito. 

Human-Interest

Artist, nagbenta ng 'invisible sculpture,' pinatos at binili sa halagang higit ₱1M!

Dahil dito, ano nga ba ang “bullying” at gaano ito kaseryoso? 

Ayon sa American Psychological Association (APA), ang bullying ay ang nagpapatuloy na pananakot at pagpapakita ng agresibong pisikal o verbal na pang-aabuso sa ibang tao. 

Partikular itong ginagawa sa mga mas bata o indibidwal na nasa dehadong sitwasyon. 

Bukod sa pisikal o verbal na bullying, nagaganap rin ito sa cyberspace na tinatawag na “cyberbullying”  kung saan, ginagamit naman ang social media o ilan pang electronic device sa pananakot at pananakit. 

Ayon naman sa United Nations Children's Fund (UNICEF), ang bullying ay kadalasang nakikita sa mga sumusunod na karakterismo: intent, repetition, at power. 

Kadalasan, ang bully ay may intensyong magdulot ng sakit sa isang tao, sa pamamagitan man ito ng pisikal na pananakit o mga agresibong pananalita at pagkilos, at paulit-ulit itong ginagawa. 

Kaya saad pa ng UNICEF, ang bullying ay isang pattern, dahil ang mga bully ay kadalasang may hawak na kapangyarihan o pinanghahawakan na social status. 

Ano ang nagiging epekto ng bullying? 

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang kabataan na nakaranas ng bullying ay maaaring magdulot ng physical injury, social, at emotional distress, pananakit sa sarili o self-harm, o kaya’y pagkitil sa sariling buhay. 

Napapataas din nito ang dulot ng depression, anxiety, hirap sa pagkatulog, mababang performance sa paaralan, at pag-drop out sa pag-aaral. 

Bukod pa rito, lumabas din sa pag-aaral ng CDC na ang kabataan na nakaranas ng pambu-bully sa iba ay nasa panganib ng substance misuse, mga problema sa academic performance, at karahasan hanggang sa pagtanda nito. 

Dahil sa mga epekto at panganib na dulot ng bullying, may batas ba ang Pilipinas upang tugunan ito? 

Bukod sa DepEd Memorandum No. 002, s. 2026, isinabatas sa bansa ang Republic Act (RA) No. 10627 o ang "Anti-Bullying Act of 2013.”

Sa ilalim ng batas na ito, binibigay direktiba ang lahat ng mababa at mataas na paaralan sa bansa na mag-implementa ng anti-bullying policy, saklaw ang kanilang campus, online, at anumang school-related activity o function upang maprotektahan ang mga biktima ng bullying sa pamamagitan ng counseling at pakikipag-ugnayan sa mga magulang o guardians para sa karampatang aksyon. 

Kabilang sa policy na mandato rito ay ang mga sumusunod: - Malinaw na kahulugan ng bullying

- Proseso at paraan ng bullying report para sa mga mag-aaral, mga magulang, at faculty. 

- Mga karampatang parusa at aksyon. 

- Intervention programs upang matugunan ang naging aksyon ng bully, proteksyon ng na-bully, at pagpapalawig ng kaalaman ng paaralan hinggil sa bullying. 

Habang walang iniligay na partikular na parusa ang RA 10627 para sa student offender, ito ay nakatuong sa preventive at corrective measures sa mga paaralan. 

Ayon pa sa batas na ito, maaari namang humarap sa mga kasong administratibo mula sa DepEd ang isang paaralan kung ito ay magkaroon ng kakulangan sa implementasyon ng preventive at intervention measures. 

Habang ang RA 10627 ay nakatuon sa mga mababa at matataas na paaralan, ang mga kolehiyo ay protektado pa rin sa ilalim ng iba pang batas tulad ng RA 11313 o ang “Safe Spaces Act” na kilala rin bilang "Bawal Bastos Law,” na proteksyon laban sa gender-based harassment sa mga pampublikong lugar, online bullying at iba pang uri ng harassment. 

Isa pa ay ang RA 11053 o ang “Anti-Hazing Law” na layong magbigay ng karampatang parusa sa mga indibidwal o grupo na kasali sa hazing upang protektahan ang mga mag-aaral mula sa pisikal at psychological na pananakit. 

Anumang batas na naipasa bilang proteksyon sa bullying at pagpapanagot sa gumawa nito, mahalagang tandaan na ang bawat kilos at salita ay may kaakibat na epekto sa isang indibidwal.

Sean Antonio/BALITA