Patay ang isang anim na taong gulang na batang lalaki habang sugatan ang kaniyang ama matapos silang pagbabarilin ng isang umano’y lasing na dating barangay kagawad sa Silang, Cavite.
Kinilala ang nasawing bata sa alyas “RL,” 6-anyos, habang ang kaniyang amang si alyas “Ruel,” 35-anyos, ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente. Papauwi na ang mag-ama sakay ng motorsiklo mula sa barangay hall kung saan nagsampa ng reklamo ang ama laban sa anak ng barangay chief na umano’y nanakit sa kaniyang anak.
Ayon sa impormasyon, nagkaroon na umano ng pag-uusap sa pagitan ng mga panig at nangako ang barangay chief na sasagutin ang gastusin para sa CT scan ng bata.
Subalit habang binabagtas ng mag-ama ang kalsada pauwi, bigla na lamang silang pinagbabaril ng nakaabang na suspek na kinilalang si alyas “Elpidio,” 68-anyos, isang dating barangay kagawad.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek.
Agad namang isinugod sa ospital ang bata matapos tamaan ng bala sa ulo, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ang ama naman ay kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan dahil sa tinamong sugat sa balikat.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at isinasagawa ang manhunt operation upang madakip ang tumakas na suspek.