February 27, 2026

Home BALITA National

'Walang dugong dadanak!' PBBM, 'di pabor sa EJK sa pagsugpo ng iligal na droga

'Walang dugong dadanak!' PBBM, 'di pabor sa EJK sa pagsugpo ng iligal na droga
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Mariing nilinaw sa publiko ng Palasyo ang hindi umano pagpabor ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Extrajudicial Killing (EJK) bilang paraan sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa at ang mahigpit na direktaba nitong wala raw dapat dugong dumanak. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinagot niya ang tanong tungkol sa kung ano ang kaibahan ng paraan ni PBBM sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa kumpara sa paraan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon. 

Ani Castro, matagal na raw sinabi ni PBBM na dapat daw walang dugong dadanak mula sa hangarin nilang masugpo ang iligal na droga sa bansa dahil hindi raw niya gusto ang EJK. 

“Even before, ang sabi ng Pangulo, ‘Walang dugong dadanak.’ Hindi po niya ginugusto ang extrajudicial killings,” pagsisimula niya. 

Diin ni Castro, may tamang pamamaraan daw sa pagsugpo ng iligal na droga at lagi raw pinapanatili ni PBBM ang pagsusulong ng “due process.” 

National

Usec. Castro kung sakaling bumisita si Kaufman sa ‘Pinas: 'I'll buy him balut, kwek-kwek, adidas'

“Ang pagsugpo sa iligal na droga ay may tamang pamamaraan. Lagi pong pinapanatili ng Pangulo ang tinatawag nating ‘due process,’” aniya. 

Pagpapatuloy pa ni Castro, kailangan daw marinig muna ang posisyon ng mga taong sangkot sa iligal na droga at hindi kinakailangan mamatay o patayin agad ang mga ito. 

“Kailangang madinig din po ang mga taong inaakusahan. Hindi po kinakailangang ipapatay agad nang hindi sila naririnig,” saad niya. 

Aniya, wala raw sa konstitusyon ang parusang kamatayan at hindi ito pinapatupad sa Pilipinas. 

“Hindi po iyan at wala po sa konstitusyon natin ang salitang ‘death penalty.’ Hindi po ito pinapatupad sa bansa natin,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang kasalukuyang hinaharap ni FPRRD ang mga kasong may kaugnayan sa “crimes against humanity” dahil sa kanilang programang “War on Drugs” sa panahon ng kaniyang panunungkulan noon. 

Nakatakdang isagawa ng International Criminal Court (ICC) ang huling pagdinig nila para sa confirmation of charges tungkol sa mga nasabing kasong kinakaharap ng dating Pangulo ngayong Biyernes, Pebrero 27, 2026. 

Nauna nang magsagawa ng pagdinig ang ICC noong Lunes, Pebrero 23, Martes, Pebrero 24, at Huwebes, Pebrero 26, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: Kaufman, napatanong; kung may nakaisip bang imbestigahan umano'y drug-related killings sa Marcos admin

KAUGNAY NA BALITA: Mga kontrobersyal na pahayag noon ni FPRRD 'di sapat para ikonekta sa EJK— Kaufman

Mc Vincent Mirabuna/Balita