February 27, 2026

Home BALITA National

South Korea Pres. Lee Jae Myung, bibisita sa 'Pinas sa kauna-unahang pagkakataon!

South Korea Pres. Lee Jae Myung, bibisita sa 'Pinas sa kauna-unahang pagkakataon!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Inanunsyo ng Palasyo ang nakatakdang pagbisita ng Pangulo ng Republic of South Korea na si President Lee Jae Myung sa Pilipinas sa susunod na linggo. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinabi niyang darating at bibisita sa bansa si Lee mula sa darating na Martes, Marso 3 hanggang Miyerkules, Marso 4, 2026 bilang tugon umano sa pag-iimbita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

“Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si South Korean President Lee Jae Myung ngayong March 3 hanggang 4 bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.,” pagsisimula niya. 

Dagdag niya, “Ito ang kauna-unahang pagbisita ni President Lee sa Pilipinas at kauna-unahang state visit matapos maging epektibo ang Free Trade Agreement o FTA sa pagitan ng Pilipinas at Republic of South Korea noong December 31, 2024.” 

Ani Castro, pangungunahan ni PBBM at Unang Ginang Liza Marcos ang pagtanggap sa Palasyo kina Lee at South Korea First Lady Kim Hea Kyung sa darating na Martes. 

National

De Lima, bibigyan ng leksyon si Baligod at 18 ex-marines?

“Pangungunahan ng Pangulo at ni Unang Ginang Liza Marcos ang pagtanggap kay President Lee at First Lady Kim Hea Kyung sa Palasyo ngayong March 3,” aniya. 

Pagbabahagi ni Castro, kasabay ng pagbisita ni Lee sa bansa ang ika-77 na anibersaryo ng diplomatikong pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa South Korea na nagsimula noong Marso 1949. 

“Kasabay ng pagbisita ni President Lee ang ika-77 anibersaryo ng pagtatag ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea noong March 1949,” saad niya. 

Paliwanag ni Castro, nakatakda raw na mag-usap si PBBM at Lee tungkol sa kooperasyon sa defense, maritime economic and development fields, at people-to-people ties ng dalawang bansa. 

“Nakatakdang magkaroon ng bilateral meeting ang mga leader upang pag-usapan ang iba’t ibang kooperasyon ng dalawang bansa. Kabilang dito ang kooperasyon sa defense, maritime economic and development fields, at people-to-people ties,” ‘ika niya. 

“Inaasahan ding magkakaroon ng palitan ng pananaw ang dalawang leader hinggil sa sa usapin sa rehiyon at iba’t ibang international issues bilang tugon sa masiglang ugnayan ng dalawang bansa,” pagtatapos pa ni Castro. 

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro kung sakaling bumisita si Kaufman sa ‘Pinas: 'I'll buy him balut, kwek-kwek, adidas'

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa 18 ex-marines: 'Bilang Pilipino, 'wag na lang silang magpagamit!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita