Nakapagtapos sa Republic of Korea Air Force Academy (ROKAFA) ang isang Philippine Military Academy (PMA) Cadet na si Euniño Joaquin F. Manuel at kinilala rin bilang “strongest cadet.”
Base sa pahayag ng PMA noong Huwebes, Pebrero 26, bukod sa cadetship training ni Manuel, nakapagtapos rin siya ng Bachelor of Science in Mechanical Engineering sa ROKAFA.
Habang nag-aaral, si Manuel ay nanilbihan din bilang 2nd Battalion Athletic Staff Office para sa Academic Year (AY) 2025-2026.
Kaya ibinahagi niya rin sa pahayag ng PMA na ang kaniyang tagumpay sa ROKAFA ay higit pa sa pagtatapos ng kaniyang military training, ito ay resulta rin ng katatagan, pakikibagay, at hindi natitinag na paninindigan sa kabila ng hirap at pressure ng kaniyang training at pag-aaral.
“In reflecting on his journey, Cadet Manuel shared that graduating from ROKAFA was ‘more than the completion of military training — it is the result of endurance, adaptation, and unwavering commitment.’ He credits a Korean phrase, ‘피할 수 없으면 즐겨라’ (‘If you can’t avoid it, enjoy it’), as a mindset that carried him through the most demanding phases of his training: embracing hardship, remaining composed under pressure, and facing unavoidable challenges with strength and gratitude,” saad ng PMA sa naturang pahayag.
Anila pa, para kay Manuel, maituturing niyang isang karangalan at pananagutan ang mapagsilbihan ang Pilipinas sa isang foreign military academy, na nagsilbing paalala sa kaniya na dala niya ang pangalan ng bansa sa bawat pagkatuto, evaluation, at ehersisyo.
Inaalay ni Manuel ang pasasalamat sa kaniyang pamilya, mentors, at mga kaibigan, na aniya’y ang suporta ay nagbigay sa kaniya ng lakas, maging ang mga naging kaklase at instructors sa samahan at respeto na hinubog ng panahon at higit sa lahat, ang Panginoon na binigyang-pagkilala niya sa kaniyang tagumpay.
Binanggit din ng PMA na sa pagbabalik sa bansa ni Manuel, siya at itatalaga bilang Second Lieutenant sa Philippine Air Force.
Si Manuel ay naging parte ng PMA “Bagong Sinag” Class of 2024 at ipinadala sa ROKAFA noong Enero 21, 2022 upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at cadetship training sa ilalim ng Philippines–Republic of Korea defense cooperation framework.
Sean Antonio/BALITA